March 20, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Mapalad Dahil Pinatawad

Today's Verses: Psalm 32:1-2 (ASND)

1 Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang. 2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan, sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.


Read Psalm 32

Napakasaya ang pakiramdam kapag ang kapatawaran sa kasalanan ay natatamo ng taong umaamin at nagsisisi sa nagawang kasalanan


Kakaiba ang Psalm chapter 32 sa ibang awit na isinulat ni Haring David. Ang kaibahan ay dahil itinuro ni David ang pagiging mapalad ng isang tao na napatawad na sa kanyang pagkakasala. Si David ay naging mapalad dahil umamin siya sa kanyang pagkakasala sa Diyos. Hindi niya ito inilihim, bagkus, siya’y umamin. Naranasan niya ang kabigatan ng pagkimkim ng kasalanan. Tunay na hindi ito mainam na klase ng pamumuhay. 


Ang pakiramdam ng taong mapalad dahil pinatawad ng Diyos ay kabaligtaran ng pakiramdam ng taong hindi umaamin ng kanyang pagkakasala. Iba ang saya na dulot ng pag-amin ng pagkakasala sa Diyos. Talo nito ang dalamhati at kawalan ng kapayapaan dahil nagmamalaki sa Diyos kahit makasalanan. Kailangan natin bilang tao na makaranas ng pagpapala ng kapatawaran ng Diyos. Nagkakaroon tayo ng lakas sa kalooban kapag maayos ang ating relasyon sa Diyos. Nae-enjoy natin ang paglapit at pananalangin sa Diyos. Nagkakaroon din tayo ng maayos na pakikitungo sa kapwa dahil sigurado natin na ayos tayo sa harapan ng Diyos. Kaya din tayong ipagtanggol ng Diyos dahil maayos tayo sa Kanya. Higit sa lahat, mas ramdam natin ang presensya ng Diyos sa ating buhay.


Mamuhay tayo sa pagpapala ng pagpapatawad ng Diyos. Umamin at huwag itanggi ang anumang kasalanan natin sa Diyos. Sigurado ang kalungkutan sa kalooban ng taong nagkakasala at namumuhay sa kasalanan. Kaya dumating lagi tayo sa punto ng buhay natin na hindi natin pagkakaitan ang ating sarili ng saya at kapayapaan na dulot ng pagiging mapalad – ang pagiging mapalad dahil tayo’y pinatawad ng Diyos. Ang Diyos ay nagpapatawad sa umaamin ng may pagpapakumbaba sa Kanya.

Panalangin:

Diyos Ama, ako ay nagpapapakumba sa Iyo. Ako ay umaamin sa aking pagkakasala sa Iyo. Patawarin mo ako sa anumang pagmamalaki, kapalaluan, sama ng loob, o anumang senyales ng inggit at karumihan ng isipan. Gusto ko pong maranasan ang pagiging mapalad dahil ako ay Iyong pinatawad.

Maraming salamat. Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 30-31

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions