March 21, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Purihin At Pasalamatan Ang Diyos

Today's Verses: Psalm 33:1–2 (ASND)

1 Kayong mga matuwid, sumigaw kayo sa galak, dahil sa ginawa ng Panginoon! Kayong namumuhay ng tama, nararapat ninyo siyang purihin! 2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.


Read Psalm 33

May malakas na panawagan sa mga naniniwalang may Diyos na magpuri at magpasalamat sa Panginoon.


Ang Psalm chapter 33 ay awit ng papuri para kay Yahweh na Diyos ng Israel. Hindi man alam kung sino ang nagsulat ng awit na ito, makikita sa pagkakabalangkas na ang nagsulat ay may alam sa mga ginawa ng Diyos. Ang kaalaman ng manunulat ng Psalm chapter 33 ay buong siglang sumisigaw sa galak sa Diyos! Siya’y nanawagan na gamitin ang mga ‘musical instruments’ para awitan ang Diyos ng mga bagong awitin. Sinabi ng manunulat kung gaano kadakila ang Diyos. Si Yahweh ang lumikha ng langit at lupa. Ang Salita ni Yahweh ay matatag, makatarungan, makapangyarihan. Ang Salita Niya ay mananatili magpakailanman. Ang Diyos ay nakatuon ang pansin sa bansa na kinikilala Siya ng may pagsunod, may papuri, at may pagsamba.


Tayo ay hinihikayat ng Biblia na magpuri’t sumamba sa Diyos. Ang mga hilig at husay natin sa pag-awit at pagtugtog ay magagamit para purihin at awitan ang Diyos. Tayo ay may pakiramdaman at emosyon. May mga salitang naiisip tayo na dapat sabihin. Pagsama-samahin ang mga ito na nakatuon ang pansin sa Diyos, magagawa nating umawit ng may papupuri, may pasasalamat, at pagsamba sa Diyos. Alinman ang hilig natin na love songs, celebration songs, o anumang genre ng musika, maaring gamitin ang mga ito para pansinin ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos para sa atin.


Umawit sa Diyos. Maraming mga Christian songs at praise & worship songs na magagamit natin. Mas damihan ang mga inaawit na tumutukoy sa kadakilaan ng Diyos. Si LORD ang gawing tema ng ating mga awitin. Isalin sa awitin ang ating mga nararamdaman. Gamitin ang katotohanan ng Biblia. Ang sunod na mangyayari ay napupuno ang ating puso, ang ating tahanan ng presensya ng Diyos. Sa dulo, bigo ang diablo na ikaw ay sirain at tanggalan ng pag-asa. Ang Diyos at ang Kanyang Salita na ang mas namamayani sa iyong buhay. Hallelujah! Purihin ang ating Diyos na dakila!

Panalangin:

Dakila Ka, aming Diyos Ama. Ang iyong Salita ang gabay sa aming buhay. Pagpalain mo kami ng Iyong Espiritu Santo. Ang dugo ng iyong anak na si Jesus ang naglilinis, nagpapatawad, at nagpapabanal sa amin. Napakaraming dahilan para Ikaw ay amin lalong purihin at sambahin.

Salamat po. Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 32-33

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions