March 22, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Tingnan, Lasapin, At Igalang Ang Diyos
Today's Verses: Psalm 34:8-9 (MBBTag)
8 Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya. 9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan, nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Read Psalm 34
Ang matingnan at malasap ang kabutihan ni Yahweh ay sinusundan ng nararapat na paggalang sa Diyos.
Si Haring David na sumulat ng Psalm chapter 34 ay naranasang malagay sa mga alanganing sitwasyon. Siya’y binalak na patayin ni Haring Saul. Nang tumindi ang inggit ni Saul sa kanya, kinailangan niyang lumayo at umarte na parang nababaliw. Ito ay kailangan niyang gawin para siya ay hindi mapatay sa kalabang bansa na napuntahan niya. Ito ay kanyang ‘survival mode’. Siya’y nanalangin sa Diyos na ingatan siya. Dahil alam na alam na ni David kung paano matingnan at malasap ang kabutihan ng Diyos, lalo pang ipinaranas sa kanya ng Diyos ang panibagong lebel ng Kanyang kabutihan. Si David ay lalong nagbigay ng mas malalim na paggalang at respeto sa Diyos.
Ang makatagpo o ma-’encounter’ ang Diyos ay kailangan ng bawat tao. Ginawa tayo ng Diyos at ang Diyos lamang ang nagbibigay sa atin ng tunay na kahulugan sa buhay. Ang Diyos ay mananatiling Diyos kahit walang tao. Ngunit ang tao kung walang Diyos ay walang kwenta. Kaya, kailangang makatagpo o ma-’encounter’ ng tao ang Diyos. Ang ma-’encounter’ ang Diyos ay kakaibang pagtatagpo. Ang ma-’encounter’ ang Diyos ay ang matingnan at malasap ang kabutihan ng Diyos. Ang ganitong pagtatagpo ng Diyos ay nagdudulot sa tao na magkaroon ng ‘takot sa Diyos’. Sa ibang salita, ang ‘takot sa Diyos’ ay ang pagbigay galang o respeto sa Diyos. Ang tao ay masasabing tunay niyang nakatagpo ang kabutihan ng Diyos kung siya may lumalalim na paggalang at respeto sa Diyos.
Matutunang magbigay galang at respeto sa Diyos. Gawin ito sa pamamagitan ng pagtingin at paglasap sa kabutihan ng Diyos. Kung makatagpo natin ang Diyos sa araw-araw nating buhay dito sa lupa, mas magkakaroon tayo ng mas lumalalim na paggalang at respeto sa Diyos. Ang Diyos ay mabuti. Ang Diyos ay nararapat na igalang dahil siya ay mabuti.
Panalangin:
Diyos Ama, nais kong katagpuin Mo ako. Nais kong tunay na matingnan at malasap sa aking buhay ang Iyong kahanga-hangang kabutihan. Nais kong sambahin Ka at yakapin Ka. Naisin ko na ang aking buhay ay maging tanda ng paggalang at pagrespeto sa Iyo.
Maraming salamat. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano pakahulugan ng ‘tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh’?
Bakit nagdudulot ng paggalang sa Diyos ang makatagpo ang Diyos?
Papaano mas mararanasan ang kabutihan ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions