March 25, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Nadaramang Kalinga Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 36:7-9  (MBBTag)

7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag, ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak. 8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan; doon sila umiinom sa batis ng kabutihan. 9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay, ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.


Read Psalm 36

Ang Diyos ay mapagkalinga.


Nakaramdam si David ng panganib dahil sa mga taong walang takot at hindi sumusunod sa Diyos. Siya din ay nagtataka sa kanilang maalwan na buhay kahit na nag-aalipusta sa Diyos. Napaisip si David na para bang walang kahatulan sa kasamaan at kawalan ng katuwiran ng mga taong ito. Ganunpaman, nagkakaroon ng pag-asa si David kapag pinagbulayan niya ang wagas na pag-ibig ng Diyos, ang katuwiran ng Diyos, ang pagkalinga ng Diyos, ang liwanag ng Diyos, ang kahatulan ng Diyos. 


Ang Diyos pa rin ang may ‘last say’ anuman ang ating naiisip o ating nararamdaman. Hindi nakabatay sa ginagawa ng tao o ng mga pangayayari sa paligid ang pagiging Diyos ng Diyos. Siya ang Diyos na wagas na pag-ibig, matuwid, kumakalinga, nagliliwanag, at ang may karapatang humatol. Siya ay buhay na Diyos. Nararamdaman Niya ang nararamdaman ng Kanyang mga anak. Hindi siya nagpapabaya. Kung sa palagay natin mabagal gumalaw ang Diyos, intindihin natin na may ‘timing’ ang Diyos. Hindi Niya timing ang ating time. Kumakalinga ang Diyos sa kalagitnaan ng mga kalituhan natin. Maging sa ating mga kaisipang naguguluhiminan, ang Diyos ay kumakalinga. Mayaman ang Diyos sa kanyang pagkalinga sa mga tao – lalo na sa mga nananampalataya at lumalagong Kristiyano. 


Damhin ang pagkalinga sa iyo ng Diyos. Ipagkatiwala sa Diyos Ama ang iyong nararamdaman. Sabihin sa panalangin ang iyong naiisip. Hindi mao-offend si Lord sa iyong pagiging honest sa Kanya. Kaya ayos lang na magsabi ng iyong saloobin. Maging bihasa sa paglapat ng mga Salita ng Diyos sa iyong mga sitwasyon. Intindihan ang pangyayari ayon sa Salita ng Diyos. Ilapat ang iyong sitwasyon sa karakter o kung sino ang Diyos. Palaging tandaan, kung ikaw ay tagasunod ni Kristo, ikaw ay kinakalinga ng Diyos sa pamamagitan ng tapat niyang pag-ibig.

Panalangin:

Purihin ka, aking Diyos Ama. Ang iyong tapat na pag-ibig ang walang sawang kumakalinga sa akin at sa aking pamilya. Kalingain mo rin ang mga kaibigan at kamag-anak kong may karamdaman. Naniniwala ako na ikaw ang Diyos ng kaayusan at pagkalinga.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 38-39

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions