March 4, 2025 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

Tao Lang Nga Ba?

Today's Verses: Genesis 17:1–2 (ASND)

1Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid. 2Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”


Read Genesis 17

Natanggap mo na ba ang utos ng Diyos na mamuhay ng tapat sa Kanya?


Sa Genesis 17:1–2, ipinakita ng Diyos kay Abram ang Kanyang pakikipagtipan. Nang siya’y 99 na taon, pinangalanan siyang Abraham at inutusan ng Diyos na mamuhay ng tapat at walang kapintasan. Ipinangako ng Diyos na magtatag ng isang tipan na magdadala ng maraming lahi, at magiging Diyos siya ng kanyang mga anak at apo.


Kamangha-mangha ang pagpili ng Diyos sa isang tao upang pagkalooban Niya ng Kanyang tiwala. Isang himala ito ng pagpaparanas ng Diyos ng Kanyang sukdulang biyaya. Ang pagpili ng Diyos ay hindi isang pang-araw-araw na pangyayari. Hindi lahat ay pinipili at pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kaya't ang mga piniling tao ay tunay na mapalad. Hindi aalisin ng Diyos ang kanilang "free will" upang mas maging makatarungan at totoo ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng taong pinili. Katulad ni Abraham, na hindi perpekto o ganap, ang mga pinipili ng Diyos ay hindi rin ganap. Nasa desisyon ng piniling tao kung susundin o hindi ang Diyos at kung sasambahin o hindi ang Diyos. Kapag ang pinili ng Diyos ay malayang nagpasyang sundin at sambahin ang Diyos, ang kanilang relasyon ay lalago. Sa lumalagong relasyon, mas nakikilala ng pinili ang Diyos at ang Kanyang kalooban. Ang piniling tao ay mas nagiging matapat sa pananampalataya, sa pagsamba, at sa pagsunod. Sa ganitong lumalagong relasyon, may “partnership” na nagaganap. Kaya't ang tiwalaan ay lumalago at ang magkasamang paggawa ng kabutihan sa daigdig ay nangyayari. Higit sa lahat, ang kalooban ng Diyos ay natutupad dito sa lupa, gaya ng sa Langit.


Unawain at sundin ang malinaw na utos ng Diyos. Maging mapagpakumbaba at iwasan ang magdahilan. Ang tunay na pagsunod ay nagsisimula sa pusong bukas at handang matuto. Maging tapat at disiplinado, at magpursigi sa kabila ng mga pagsubok. Magpasakop sa Kanyang kalooban at magsikap ng may malinis na puso. Huwag hayaang ang mga dahilan ay maging balakid. Sa bawat hakbang ng pagsunod, makikita mo ang mga biyaya ng Diyos at ang Kanyang patnubay sa iyong buhay.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, patawarin Mo ako sa aking pagsasabi ng “tao lang ako.” Nagagawa kong maliitin ang Iyong kapangyarihan at sukdulang biyaya sa akin. Ngayon, gawin Mo akong masunurin sa Iyo at matutong tamasahin ang Iyong mga matuwid na utos at mabubuti Mong pangako.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 3-4

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions