February 25, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Ang Mapaglabanan Ang Anumang Takot
Today's Verses: Genesis 15:1 (ASND)
Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
Read Genesis 15
May takot ka ba na sa iyo ay nagpapa-walang pag-asa?
Matapos ang mga tagumpay ni Abraham, dinalaw siya ng Diyos sa isang pangitain. Sinabi ng Diyos sa kanya na huwag matakot dahil Siya ang magbibigay proteksyon at gantimpala sa kanya. Sa puntong ito, nag-alinlangan si Abraham at ipinahayag ang kanyang takot, na wala siyang tagapagmana. Ang Diyos, bagaman hindi direkta, nagbigay ng katiyakan na hindi siya pababayaan at magiging ama siya ng isang lahi.
Ang pag-aalala at takot ay madalas na nagpapahina sa kalooban ng tao. Kapag ikaw ay may takot sa mga pag-aalala na hindi naman tiyak, malamang kang mawalan ng pag-asa. At kapag nawalan ka ng pag-asa, lalo kang matatakot. Kasunod nito, marami pang ibang negatibong pakiramdam ang susunod. Ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ay pumapawi ng takot. Ang takot ay kabaligtaran ng pananampalataya. Ang taong nakukulong sa takot ay balisa at nag-aalala. Sa ganitong sitwasyon, ang Diyos ay nagiging maliit, habang ang problema naman ay lumalaki. Ang taong ito na problemado ay balisa at hirap sumamba. Ang kailangan mangyari ay marinig at matanggap natin ang mensahe ng Diyos sa gitna ng ating takot at pag-aalala. Sa gayon, ang Diyos ay magkakaloob sa atin o muling sasariwain ang Kanyang mga dakilang pangako. Sa kalaunan, kapag ibinibigay natin ang ating pansin, pagsamba, at pagsunod sa Diyos, makikita natin na kayang tuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako, gaano man ito kahirap o ka-imposible.
Maging matagumpay sa buhay sa pamamagitan ng lumalalim na paniniwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako. Labanan ang pagiging atubili sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na ika’y iligtas. Tandaan, anuman ang iyong problema, gagamitin ito ng Diyos upang mas mapatunayan ang Kanyang sarili sa iyo. Dahil dito, ikaw ay mas hahanga sa Diyos, mas maglilingkod sa Diyos, at mas sasamba sa Diyos. Kaya, ipagbida ang Diyos at masdan ang Kanyang pagliligtas sa iyo at sa iyong pamilya. Purihin ang Panginoong Jesus.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, pawiin Mo ang anumang takot sa aking puso. Paglinawin Mo ang aking kaisipan. Sariwain Mo sa akin ang iyong mga pangako para Ikaw ay aking sambahin ng nararapat. Salamat sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang iyong mga takot sa buhay?
Bakit kapag ang isang tao ay natatakot, siya din ay nag-aalala?
Paano tayo bibigyan ng Diyos ng pag-asa, tapang, at karunungan para mapaglabanan ang anumang takot?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions