March 1, 2025 | Saturday
UVCC Daily Devotion
Nakikita Ng Diyos Sa Bawat Pagkakataon
Today's Verses: Genesis 16:13–14 (ASND)
13 Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14 Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.
Read Genesis 16
Tunay ba na nakikita tayo ng Diyos sa bawat pagkakataon?
Sa Genesis 16:13-14, nang makita ni Hagar ang anghel ng Panginoon sa disyertong kinaroroonan niya, tinawag niya ang Diyos bilang "El Roi," na nangangahulugang "Diyos na nakakakita," dahil naramdaman niyang nakita siya ng Diyos sa kanyang paghihirap. Ipinahayag ng anghel na magiging ama siya ng isang anak na lalaki, at tinawag ang pangalan nito na Ismael. Ang lugar ng kinaroroonan ni Hagar ay tinawag niyang Beer-lahai-roi, na nangangahulugang "balon ng buhay na nakakakita."
Ang buhay mo ay hindi para sa tao na nagmamaltrato o gumagawa ng mali sa iyo. Nakikita ng Diyos ang ating mga paghihirap sa buhay. Kaya't nakakapagbigay ng lakas ng loob na isipin na alam ng Diyos ang bawat kalalagayan natin sa bawat pagkakataon. Kapag may problema tayo, kagagawan man natin o kagagawan ng iba na nagdudulot ng ating problema, alam pa rin ng Diyos kung paano at kung kailan Niya tayo katagpuin. Ito ay dahil nakikita tayo ng Diyos sa bawat pagkakataon. Ang Diyos ay may sapat na pag-ibig upang tayo'y kalingain, gabayan, at pagpalain. Tunay ding may pagtuturo at pagtutuwid ang Diyos. Itutuwid Niya tayo sa ating mga maling gawi at pag-uugali. Ang Diyos din ang magtuturo sa atin ng makadiyos na galawan. Ang Diyos na nakakakita sa atin ay tapat at makapangyarihan. Ang mga pangako Niya sa Kanyang mga nilalang ay Kanyang tutuparin — lalo na sa Kanyang mga anak na nananalig at tumatalima sa Panginoong Jesu-Kristo.
Makinig sa Diyos sa gitna ng iyong pighati. Maniwala sa Kanyang mga pangako sa iyo. Sundin ang Kanyang mga utos sa iyo. Humingi ng tawad sa iyong mga pagkakamali at pagkukulang. Patawarin mo ang mga nagkakasala sa iyo. Mahirap man magpakumbaba, ngunit kung ang pagpapakumbaba ay utos ng Diyos, ito ay dapat mong sundin. Muli kong sasabihin, ang buhay mo ay hindi para sa mga tao na nagmamaltrato o gumagawa ng mali sa iyo. Hindi mo kailangan silang sobrang pansinin hanggang sa mawalan ka sa kalooban ng Diyos. Ang buhay mo ay para sa Diyos. Mas makabuluhan ang buhay mo kung mamumuhay ka ng may pananalig at pagtalima sa totoong Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, bigyan Mo po ng kabuluhan ang aking buhay. Kaya turuan Mo akong manalig sa Iyo at tumalima sa Iyo. Ikaw ang aking Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga na paniwalaan mo na ikaw ay palagiang nakikita ng Diyos?
Kung ako ay palagiang nakikita ng Diyos, paano manalig at tumalima sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions