March 5, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Ang Pagpili At Pagtitiwala Ng Diyos
Today's Verses: Genesis 18:19 (MBBTag)
Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”
Read Genesis 18
Ang pagpili ba sa iyo ng Diyos ay nangangahulugan na may tiwala Siya sa iyo?
Sa Genesis 18:19, ipinahayag ni Yahweh na pinili Niya si Abraham upang ituro sa kanyang mga anak at sambahayan ang tamang pamumuhay ayon sa Kanyang mga utos. Pinili ng Diyos si Abraham. Ipinapakita dito ang malaking pribilehiyo mula sa Diyos para kay Abraham. Ang mga hakbang at desisyon ni Abraham ay may malaking epekto sa mga susunod na henerasyon. Kaya't ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos ang tungkuling magturo ng kabutihan at katarungan sa kanyang sambahayan.
Dapat ba tayong magdiwang kung tayo’y pinili ng Diyos at pagkakatiwalaan Niya?
Kamangha-mangha ang pagpili ng Diyos sa isang tao upang pagkalooban Niya ng Kanyang tiwala. Isang himala ito ng pagpaparanas ng Diyos ng Kanyang sukdulang biyaya. Ang pagpili ng Diyos ay hindi isang pang-araw-araw na pangyayari. Hindi lahat ay pinipili at pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kaya't ang mga pinili tao ay tunay na mapalad. Hindi aalisin ng Diyos ang kanilang "free will" upang mas maging makatarungan at totoo ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng taong pinili. Katulad ni Abraham, na hindi perpekto o ganap, ang mga pinipili ng Diyos ay hindi rin ganap. Nasa desisyon ng piniling tao kung susundin o hindi susundin ang Diyos at kung sasambahin o hindi ang Diyos. Kapag ang pinili ng Diyos ay malayang nagpasyang sundin at sambahin ang Diyos, ang kanilang relasyon ay lalago. Sa lumalagong relasyon, mas nakikilala ng pinili ang Diyos at ang Kanyang kalooban. Mas nagiging matapat sa pananampalataya, sa pagsamba, at sa pagsunod. Sa ganitong lumalagong relasyon, may “partnership” na nagaganap. Kaya't ang tiwala ay lumalago at ang paggawa ng kabutihan sa daigdig ay nangyayari. Higit sa lahat, ang kalooban ng Diyos ay natutupad dito sa lupa, gaya ng sa langit.
Maging bahagi ng plano ng Diyos sa ating mundo. Makibahagi sa kalooban ng Diyos at makiisa sa Kanyang Espiritu. Maging daluyan ng pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng lumalagong pagkilala sa Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagsunod sa Diyos. Kapag ikaw ang naging masigasig sa pakikiisa sa Diyos, maging handa sa Kanyang lumalagong pagtitiwala at paghayag sa iyo ng puso ng Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, nais Kitang mas makilala, mas masamba, at mas masunod. Salamat sa pagpapadama ng Iyong pag-ibig sa akin. Salamat sa pagpili Mo sa akin.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng pagpili ng Diyos sa isang tao?
Paano nangyayari na nagtitiwala ang Diyos sa isang tao na Kanyang pinili?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions