March 29, 2023 | Wednesday
Tunay na Pag-asa, Tunay na Pagsamba
Today's verse — Acts 26:6–7, MBBTag
6 At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. 7 Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio!
Read: Acts 26
Ang mga pangako ng Diyos ay siguradong nagbibigay ng pag-asa tungo sa pagsamba.
Ayon kay Pablo, ang paglilitis na ginagawa sa kanya ay dahil sa pag-asa niya mula sa mga pangako ng Diyos. At ito rin ang kaparehong dahilan bakit ang mga sinaunang Israelita ay buong taimtim na sumasamba kay Yahweh. At ito ang madiing pinupunto ni Pablo sa paglilitis sa kanya sa harapan ni Haring Agripa. Dapat nga bang malitis siya dahil sa dala-dala niyang pag-asa mula sa Diyos?
Sa panahon natin ngayon, kailangang malaman ng mga tao na ang mga pangako ng Diyos ay siguradong nagbibigay ng pag-asa. At ang pag-asang ito ay nagtutungo sa mataimtim na pagsamba. Malinaw mula sa ating talatang binasa na may kakaibang epekto ang pagkakaroon ng pag-asa ng tao. Positibo ang resulta mula sa tunay na pag-asa dala ng mga pangako ng Diyos. Ibig sabihin, kung tayo ay may tunay na pag-asa, hindi magiging mahirap na sumamba sa Diyos. Bagkus, ang pagsamba natin sa Diyos ay magiging taimtim na pagsamba araw man o gabi. Hindi natin pwedeng paghiwalayin ang tunay na pag-asa sa tunay na pagsamba. Ang tunay na pag-asa ay nagbubunga ng tunay na pagsamba.
Ngayon, kailangan nating alamin kung tunay ba ang ating dala-dalang pag-asa. Dahil kung tunay ang ating pag-asa, ito ay magdudulot mula sa atin ng tunay na pagsamba. At anuman ang ating problemadong sitwasyon, hindi nito kayang alisin sa atin ang tunay na pagsamba na dala-dala ng tunay na pag-asa. Walang ibang pwedeng pagmulan ang tunay na pag-asa kundi mula sa mga pangako ng Diyos. Kailangang masigurado ng mananampalataya kung anong pangako ang kaniyang pinanghahawakan mula sa Diyos.
Aming Ama, sambahin ka sa samu’t-sari Mong mga pangako mula sa Biblia. Patawarin mo ko sa aking mga pagdududa sa Iyo. Inaamin ko na dala ito ng aking pagbaling sa mga problema kesa sa Iyong mga pangako. Ako ngayon ay nagpapasalamat sa pag-asang dala-dala ng kaunawaan bigay mo ngayon mula sa Iyong Salita. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Anong pangako ng Diyos ang pinanghahawakan mo?
Anong epekto sa iyo ng pag-asa mula sa mga pangako ng Diyos?
Kapag ikaw ay dumadaan sa problema’t pagsubok, paano mo ginagawa ang tunay na pagsamba dala ng iyong tunay na pag-asa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions
Where can you find peace & strength during your struggles and hardships in your life?
March 26, 2023