May 1, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Tanging Sa Diyos Lang May Pag-asa
Today's Verses: Psalm 62:10–12 (ASND)
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw. Dumami man ang inyong kayamanan, huwag ninyo itong mahalin. 11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan 12 at tapat ang kanyang pag-ibig. Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.
Read Psalm 62
Ang mabisang umaagaw sa ating tiwala sa Diyos ay tiwala sa pera at kayamanan.
Ang Psalm chapter 62 ay may tema ng pagtitiwala sa Diyos. Napansin ng manunulat ng Psalm 62 na ang Diyos ay katiwa-tiwala. Ang Diyos ay tagapagligtas, tagapagtanggol, at matibay na kalasag. Ipinahayag sa tuwing aawitin ito na sa Diyos ay matatamo ang tunay na kapahingahan. Ito ay buong tapat na ipinapahayag hindi lamang ni Haring David, kundi maging ang lahat ng mang-aawit na sumasamba sa Templo. Available ang katotohanan na ito sa mamamayan ng Israel.
Ang pagtitiwala sa Diyos ay pagkakaroon ng pag-asa dahil sa Diyos. Nagbibigay pag-asa sa tao ang makilala ang Diyos. Nagbibigay din naman ng pag-asa sa tao ang pagkakaroon ng pera at kayamanan. Nananawagan ang mga may takot sa Diyos na magtiwala sa Kanya. Nananawagan din naman ang mga makasanlibutan na magtiwala sa pera at sa kayamanan. Sa Diyos ay may kasiguraduhan. Ang pera at kayamanan ay pansamantala at walang kasiguraduhan. Sa practical na paraan ay kailangan natin ang pera. Nakakatakot lamang isipin na mahusay na tagapaglingkod ang pera at kayamanan, ngunit ang pera at kayamanan ay napakalupit na tagapanguna. Ang sinumang tao na pinangungunahan ng pera at kayamanan ay nagiging kahabag-habag katagalan. Maaaring panlabas lamang ang kanilang saya. Ngunit sa kalooban, ay may kakulangan sa puso. Malaki ang kakulangan ng pagkakaroon lamang ng pera at kayamanan pero walang eternal purpose mula sa Diyos.
Palaguin ang tiwala o pag-asa sa Diyos. Kilalanin kung sino ang Diyos. Mas alamin ang kakayanan ng Diyos. Pagsumikapan ang lumago sa pagtitiwala sa Diyos. Iwasan ang pandaraya ng masasamang tao at ng kanilang pera. Magpasakop sa kapangyarihan ng Diyos at hundi sa kayamanan. Kung sa palagay mo na safe ka dahil sa kayamanan mo, o religion mo, o sa talino mo, panahon na para mag-isip-isip muli. Hindi alam ng mga nalinlang na silay nalinlang. Kaya, humingi ng tulong lalo na sa pagsusuri sa ating kalalagayan at mga pinagtitiwalaan.
Panalangin:
Diyos Ama, suriin mo ang aking buhay at kalalagayan. Sabihin mo sa akin kung ano ang lagay ng aking puso at pag-iisip. Gabayan Mo ako na magtiwala sa Iyo, umasa sa Iyo, sumunod sa Iyo, sumamba sa Iyo, at maglingkod sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Anu-ano ang kakayanan ng pera at kayamanan sa ating buhay?
Paano magagawa na tanging sa Diyos lang magkaroon ng pag-asa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions