April 27, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Kahalagahan Ng Makadiyos Na ‘Ngunit’

Today's Verses: Psalm 59:16–17 (ASND)

16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan. Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig. Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan. 17 O Dios, kayo ang aking kalakasan. Aawit ako ng mga papuri sa inyo, dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.


Read Psalm 59

Kapag ang isang makadiyos na tao ay naniniwala sa makadiyos na ‘ngunit’, ito ay nagbubunga ng parangal sa Diyos.


Nang sinabi ni Haring David ang ‘ngunit’ sa Psalm chapter 59 verse 16, ito ay ang kanyang makadiyos na pagsusuri at ‘conclusion’ sa kanyang mga nararanasan at nao-obserbahan. Ang ‘ngunit’ ni David ay ang pag-agree niya sa kalooban ng Diyos. Siya ay agree na ang kanyang emosyon ay hindi nararapat na manguna sa kanya. Ang ‘ngunit’ ni David ay ang kanyang makadiyos na galawan anuman ang kanyang nararanasan o nararamdaman. Ang ‘ngunit’ ni David ay ang kanyang makadiyos na prinsipyo at paniniwala sa Diyos na kanyang lakas, kanyang kanlungan, at kanyang Diyos na nagmamahal sa kanya. 


May makadiyos na ‘ngunit’. Katulad ni Haring David nararapat natin na bigyan daan ang makadiyos na ‘ngunit’ sa ating pagbubulay-bulay sa buhay. Ang kalayaan natin na mag-obserba sa buhay, o magsalita ng ating mga opinyon sa anumang mga pangyayari ay maaari natin gawin. ‘Ngunit’ ang ating magiging conclusion, prinsipyo, at aksyon ay nararapat na may makadiyos na pamantayan. Ang ating mga sitwasyon, mabuti man o masama, ay lumilikha sa atin ng mga emosyon na kung maha-handle ng tama ay pwedeng mapunta sa paglakas ng ating relasyon sa Diyos. Ang tamang paghandle sa ating problema ay nagpapalakas sa ating patotoo bilang mga nananalig sa Diyos. Kay Jesus, ang katulad ng ‘ngunit’ ni Haring David ay ang mga katagang, “Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”


Maging makadiyos sa pagsusuri sa iyong kalalagayan. Aralin ang makadiyos na ‘ngunit’. Bigyan daan ang katotohanan ng Biblia na hubugin ang iyong pakikitungo sa anumang pangyayari sa ating buhay. Maging honest sa ating pakikipag usap sa Diyos. Ok lang na magsiwalat ng iyong narararamdaman at naiisip. Katulad ng sinabi, ang pinakamahalaga ay ang ‘ngunit’ sa dulo ng ating panalangin. Magpasakop ng buong puso sa kalooban ng Diyos.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong Salita na nagpapaalala sa iyong makadiyos na kalooban. Sakupin Mo po ang aking damdamin, mga desisyon, maging aking mga aksyon. Ikaw ang aking aawitan dahil ikaw ang aking kanlungan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Exodus 33-34

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions