April 30, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Mayroong Pag-Asa Na May Kasiguraduhan
Today's Verses: Psalm 61:1–3 (ASND)
1 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan. Dinggin nʼyo ang aking dalangin. 2 Mula sa dulo ng mundo, tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa. Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib, 3 dahil kayo ang aking kanlungan, tulad kayo ng isang toreng matibay na pananggalang laban sa kaaway.
Read Psalm 61
Ang pag-asa na may kasiguraduhan ay mula lamang sa Diyos – ang iba ay mga pansamantala lamang
Ang Psalm chapter 61 ay isinulat ni Haring David. Bagamat hari na siya, ang Diyos pa rin ang kanyang takbuhan. Nawalan siya ng pag-asa pero may Diyos siyang sinasandalan. Tumawag siya at alam niyang dininig siya ng Diyos. Ang Diyos ay kanyang lugar na ligtas sa panganib.
May mga katanungan ka ba sa nagyayari sa buhay mo? Baka nawawalan ka na ng pag-asa? O kaya’y inaagawan mo na ang Diyos ng trono dahil feeling mo mabagal gumalaw ang Diyos? Pilit mo mang ayusin at kontrolin ang sitwasyon pero bigo pa rin sa dulo. Nakakawala ng pag-asa. Ang pag-asa ay mahalaga sa buhay ng tao. Ang pag-asa sa puso ng tao ay nagbibigay ng dahilan para magpatuloy sa buhay ng may makadiyos na patutunguhan. Tigib man ng problema at mahirap ang iyong kalalagayan, ang ating takbuhan ay ang Diyos. May panahon na feeling natin ay ok na ok na ang mga sitwasyon ng ating buhay. Ngunit ang problema ay pilit na papasok at nakikialam. Kagagawan man natin o ng ibang tao, damay tayo sa mga pagkakamali na ito. Minsan naman ay pinapayagan ng Diyos na pasukin tayo ng problema. Ito ay upang maalala natin na Diyos ang ating pag-asa at hindi ang tao. Maski materyal na mga bagay ay hindi pagmumulan ng pag-asa. May kayang ibigay ng Diyos na pangangalaga at pag-iingat sa atin. Ligtas tayo sa piling ng Diyos. Tayo ay may panawagan na manumbalik sa piling ng Diyos.
Pumunta, manahan, matili sa kanlungan ng Diyos. Napariwara ka man, nakalimot, naging busy, o ikaw ngayon ay naging controlling. Tumakbo ka ngayon sa Diyos at tumanggap ng pag-asa. Maaaring marami kang tanong sa buhay. “Bakit nangyari ang nangyari?”, ang tanong mo. Huwag mainis. Piliin ang pag-asa sa Diyos. Kayang ibigay ng Diyos ang pangangalaga at pag-iingat kung Siya ang ating pag-asa.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako’y nagpapakumbabang lumalapit sa Iyo. Patawarin mo ako dahil sa mga panahon na inaagawan na kita ng responsibilidad. Tanggalin Mo anumang negatibong emosyon sa akin ngayon. Palakasin mo ako sa kalagitnaan ng aking problema at pakikibaka sa buhay. Ikaw ang aking pag-asa.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang epekto ng kawalan ng pag-asa ng tao?
Bakit mas mainam na ang Diyos ang ating pag-asa?
Paano tumanggap ng pag-asa mula sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions