May 14, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Kumpletong Pagpapala Mula Sa Diyos

Today's Verses: Psalm 72:16-17 (MBBTag)

16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain; ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain. At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,  sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan. 17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan, manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw. Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa, pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”


Read Psalm 72

Panalangin ni Haring Solomon na ang kanyang paghahari ay pagpalain ni Yahweh – ang Diyos ng Israel. Kasama na dito ang pagdami ng mamamayan, ang malagong pananim at pag-ani, at mga lungsod na mauunlad. Higit sa mga pagpapala na ito, ang dapat mapansin ay ang Kanyang naisin na ang mga bansa ay lumapit at dumalangin din sa Diyos ng Israel.


Ang buhay ay hindi kumpleto kung wala ang pagpapala ng Diyos. Kalooban ng Diyos na mga tao’y Kanyang mapagpala maging ng materyal na bagay. Unawain natin ito sa isang kwento: minsan ay may isang  tao na nagsabing mas mahalaga ang pagsamba sa Diyos kaya ok lang kahit hindi na tayo pagpalain ng Diyos. Maraming naniwala sa kanya kasi siya’y tunog espirituwal. Kaya kumalat ang ganitong pananaw at tinanggap na paniniwala ng maraming tao. May dapat unawain patungkol sa pagpapala ng Diyos at sa Kanyang kagustuhan na tayo’y pagpalain. Delikado ang buhay ng tao na nais yumaman pero hindi makadiyos ang pamumuhay. Mali din naman na sumasamba sa Diyos kahit hindi na tayo pagpalain ng Diyos. Ibaling natin ito sa katotohanan na kailangan ng pananalig sa Diyos na may tamang pag-uugali at tamang intensyon sa paghingi ng pagpapala mula Diyos.


Unawain at tanggapin natin na gusto ng Diyos na tayo’y pagpalain. Kaya humingi ng may tamang pag-uugali at tamang intensyon. Talunin ang pagiging makasarili. Maging makadiyos sa iyong paghingi ng pagpapala mula sa Diyos. Kapag mas naunawaan mo ang puso ng Diyos at bakit Ka Niya gustong pagpapalain, magiging tama ang iyong pananaw gaano man kalaki o kaliit ang iyong materyal kayamanan. Ito ay dahil bukod sa nagiging makadiyos na ang iyong layunin, hindi ka pa nagiging makasarili. 

Panalangin:

Mapagpalang Diyos Ama, nalalaman ko ngayong na matindi ang naisin mo na akong pagpalain. Ngunit alam ko na ako’y tao na pwedeng talunin ng pagkamakasarili. Kaya, aking Diyos, itama Mo ang aking pag-uugali at iayos Mo ang aking naisin na umunlad sa buhay.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Leviticus 19-20

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions