May 9, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Pagpapahalaga Sa Diyos vs Panlalait Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 69:9 (ASND)
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo, halos mapahamak na ako. Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
Read Psalm 69
Ang masaktan ka para sa iba ay pagpapakita ng pagpapahalaga sa kanila.
Ang Psalm chapter 69 ay isang Messianic Psalm. Ang ibig sabihin ay nagsasalarawan ang chapter na ito ng pagdadaanan o mararanasan ng noon na paparating na Messias o Kristo o ang Tagapagligtas. Naisulat ang Psalm 69 halos isang libong taon bago ipinanganak si Jesus. Pero naisalarawan na ng mang-aawit ang ilan sa mga katotohanan kung sino ang Messias. Kasama nga rito ang ginawa ni Jesus na pagpapalayas sa mga nagtitinda sa Templo ng Jerusalem. Naalala ng mga disciples ang verse na ito tungkol sa pagpapahalaga ni Jesus sa Templo ng Kanyang Ama (John 2:22).
Kung iisipin natin ang pagpapahalaga Sa Diyos at sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, maaaring maiisip agad natin si Jesus Christ. Siya ang talagang nakasunod sa Diyos. Ang kanyang pagsunod sa Diyos ay makakatotohanan at may emosyon. Sa dulo, ang kabayaran ay ang Kanyang buhay. May isang maliit na bata noon, ang pinakapaborito niyang awitin sa lumang simbahan sa kanilang lugar ay ang ‘kordero ng Diyos’. Sa kanyang kakulitan, ginagawa niya itong ‘kaldero ng Diyos’. Nang siya ay lumaki na at nampalataya na kay Jesus, naisip niya na nakakahiya pala ang ginawa niyang panlalait. Ano kaya ang nararamdaman ng Diyos at ni Jesus nung iniiba niya ang lyrics ng kanta? Ang ganitong sitwasyon ay nagpapakita na may kailangang mabago sa ating pananaw dahil panlalait – sa Diyos man ito o sa ating kapwa tao.
Magsisi tayo sa anumang panlalait natin o pagmamaliit sa Diyos. Isama na natin ang mga pagsuway natin dahil sa ating kamangmangan. Lalo ang mga pagsuway natin sa mga direct na utos ng Diyos sa atin. Ang panlalait natin sa karakter o sa gawa ng Diyos ay kasalanan. Kung nilalait natin ang tao, nilalait din natin ang Diyos na gumawa at nagmamahal sa taong iyon. Kung nilalait natin ang Biblia, nilalait din natin ang author niyun. Kung sinusuway natin ang kalooban o utos ng Diyos, kahit tayo ay may ministry pa, parehong panlalait iyun at pagsuway. Pagsisihan na natin ang anumang panlalait natin.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako’y patawarin Mo sa anumang panlalait ko at pagsuway ko sa Iyo. Siyasatin mo ang aking puso. Linisin mo ang aking puso. Tulungan Niyo po akong pahalagahan Ka, pati ang Iyong utos at kalooban.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang panlalait?
Ano ang masamang dulot ng panlalait sa kapwa at lalo sa Diyos?
Paano palitan ang gawi na panlalait?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions