May 8, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Masigasig Kong Pupurihin Ang Diyos
Today's Verses: Psalm 68:19–20 (ASND)
19 Purihin ang Panginoon, ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw. 20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas! Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
Read Psalm 68
Papuri ang laan sa bawat pagtulong ng Diyos sa suliranin natin.
Si Haring David ay may malawak na pagkilanlan sa Diyos. Alam niya kung ano ang gawi ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Alam niya kung paano ilarawan ang mga nangyayari sa kapaligiran tuwing ang galawan ng Diyos ay nangyayari. Bagamat matalinhaga ang mga gamit na pananalita ni David, kumbinsido siya na may pagsunod ang kalikasan maging ang mga pangyayari sa galawan ng Diyos.
May kakayanan ang Diyos na gawin ang naisin Niya. Ang ating tugon sa ganitong pangyayari ay papuri para sa Diyos. Naalala ko ang kwento ng isang kabataan na humiling sa Diyos na siya’y makapasa sa entrance exam ng isang unibersidad. Nagreview ang kabataan. May kaba siya sa habang papalapit ang exams. Ganunpaman, ipinagkatiwala niya ang mga susunod na pangyayari sa kamay ng Diyos. Pumasa ang kabataan. Dahil dito, kanyang kinilala na kung wala ang galawan ng Diyos sa buong proceso ng review niya at sa actual na exams ay hindi siya papasa. Ito ang papuring nag-uumapaw dahil sa pagtulong ng Diyos.
Masigasig nating purihin natin ang Diyos! Ang bawat pangyayari sa buhay natin ay pagkakataon ng Diyos para siya ay makilala natin Siya at purihin natin Siya. Kilalanin kung sino ang DIyos. Hayag ito sa Biblia. Mararanasan ito ng bawat mapagpakumababang paglapit sa Diyos. Ito ay dahil napaka-personal ang galawan ng Diyos. Kaya maging masigasig at huwag mag-atubili. Humandang humanga lalo pa sa Diyos dahil sa pagtulong Niya sa iyong mga suliranin.
Panalangin:
Purihin ka, aking Diyos Ama. Pansin ko ang pagtulong Mo para malutas ang aking suliranin. Nalalaman ko ngayon na Ikaw ay masigasig ang galawan para sa kaayusan. Ikaw ay masigasig magbigay ng pagtulong sa aking mga suliranin. Turuan mo ako na lalong isigaw ang Iyong kapurihan.
Salamat po. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mabuti ang gawi ng pagpupuri sa Diyos?
Ano ang mga hadlang sa pagpupuri sa Diyos?
Paano ka mas maging masigasig sa pagpupuri sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions