May 15, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Nang Pumunta Ako Sa Templo ng Diyos

Today's Verses: Psalm 73:16-17 (ASND)

16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito, ngunit napakahirap. 17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo, doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.


Read Psalm 73

Ang kaunawaan na meron sa presensya ng Diyos ang mag-aayos sa atin tungo sa tamang pananaw.


Ang manunulat ng Psalm chapter 73 ay tanggap ang kabutihan ng Diyos. Ngunit hindi niya tanggap ang maayos na kalalagayan ng masasama. Sila ang yumayaman. Sila ang umaasenso. Sila ang maayos ang pamumuhay at malusog ang pangangatawan. Lampas sa kanyang kaunawaan. Hindi niya ito maatim at napakahirap niyang unawain. Ngunit sa presensya ng Diyos ay nahayag sa manunulat ang nasa puso ng Diyos.


Mas madaling maunawaan natin ang buhay kung tayo ay nasa presensiya ng Diyos. Ito ang pinakamainam na kaunawaan. Ang ibang klaseng kaunawaan ay parusa sa isip at sa puso natin. Minsan sa isang lamay ay may nagsabi, “Mabuting tao ang namatay dahil sa malubhang karamdaman. Bakit siya ang namatay gayong maraming masasamang tao diyan sa paligid na dapat mas naunang mamatay?” Ito ay ‘observation’ bakit parang ‘unfair’ o di makatarungan ang mga pangyayari sa buhay. May parang bitin sa ating kaalaman gaano man tayo kalalim na mag-isip. Minsan ay nakakalito. Siguradong may mga katanungan sa buhay na sa pananaw ng Diyos lamang mas mauunawaan. Ang ganitong kaunawaan ang ‘worth it’ na marating. Ito ang pananaw na may dalang kapayapaan na hindi malirip. Sa presensya lamang ng Diyos nangyayari ang mga ganitong klaseng makadiyos na kaunawaan.


Tayo ay manahan sa presensya ng Diyos tungo sa mapayapang kaisipan. Naisin natin ang malawak at makadiyos na unawa kahit parang ‘unfair’ ang buhay. Sa gayon, paglabas natin sa ating mga tahanan ay may kinang sa ating mga mata habang pinagmamasdan natin ang makatarungang puso ng Diyos. Sige lang. Pansin na nag-eenjoy ang mga makasalanang tao sa makasalanang pamumuhay. Pero ganun pa man, makatarungan ang Diyos. May kahatulan ang makasalanang pamumuhay. Kaya piliin natin ang pamumuhay na may pananampalataya at may pagsunod sa Diyos. Ito ay worth it na klase ng pamumuhay.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, aking unawa ngayon na ikaw ay makatarungan. Dalhin mo ako sa iyong presensya. Payagan mo akong manatili doon. Anuman ang feeling unfair sa buhay. Sa iyong presensiya, ako ay payapa, ako ay mananampalataya, ako ay susunod, at ako ay mag-eenjoy sa buhay dahil sa Iyo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Leviticus 21-22

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions