May 16, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Naghahari Pa Rin Ang Diyos

Today's Verses: Psalm 74:12 (ASND)

Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una. Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.


Read Psalm 74

Ang Diyos ay hari na nagliligtas simula pa noong una.


Ang unang labing-isang verses ng Psalm chapter 74 ay ang pagmamasid ni Asaph sa kanyang kapaligiran. Pansin niya na ang mga tao ay kinukutya ang Diyos. Nagtatagumpay ang mga masasama sa kanilang mga kalikuan. Hindi si Yahweh ang kanilang sinasamba at parang binabalewala ng Diyos. Samantala ang mga mamamayan na pinili ng Diyos ay nangangailangan ng pagtatanggol mula sa liko ang gawa. Sa ganitong kalalagayan, si Yahweh ay kinilala pa rin na hari noon pa mang una. Nagagawa Niyang iligtas ang kanyang bayang pinili. At ang pagliligtas na ito ay paulit-ulit.


Ang Diyos ay hari! Tanggapin man natin ito o hindi, ang Diyos ay naghahari. Walang pwedeng magluklok sa Kanya at wala din pwedeng magpababa sa Kanya mula sa pagiging hari. Ang paghahari ng Diyos ay mula pa noong una. Gaano man kasakim ang maraming tao, gaano man kasama ang mga pangyayari sa paligid, gaano man karami ang naghahari-harian, hindi pa rin maiaalis ang Diyos sa Kanyang luklukan. Naghahari pa rin ang Diyos kahit tayo ay problemado dahil sa mga tao o mga pangyayari. Naghahari pa rin ang Diyos kahit pakiramdam natin ay delayed ang Kanyang pagtupad sa Kanyang mga pangako. Naghahari pa rin ang Diyos ng may pagtatanggol sa anuman, sa alinman, at sa saan man. Naghahari pa rin ang Diyos.


Kilalanin ang kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ay hari pa rin! Ipakilala ang Diyos sa Kanyang pagliligtas. Naghahari ng may katapatan ang Diyos! Ang Panginoong Diyos ay hindi mapagpatol sa ating kakulitan. Kaya pagtyagaan at unawain natin ang ating kapwa tao. Paglingkuran ang Diyos na makapangyarihan. Kaya ka Niyang iligtas at ipagtanggol. 

Panalangin:

Diyos Ama, Ikaw ay Hari! Sa Iyo ang aking paggalang at aking paglilingkod. Turuan Niyo akong magpakumbaba. Bigyan Niyo po ako ng pagtyatyaga sa aking kapwa tao. Gamitin mo ang buhay ko para Ikaw ay maluwalhati.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Leviticus 23-24

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions