May 17, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Katagumpayan Ay Mula Lamang Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 75:6–7 (ASND)
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan, 7 kundi sa Dios lamang. Siya ang humahatol; kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Read Psalm 75
Ang katagumpayan sa buhay ay sa Diyos lamang nagmumula.
Si Asaph na nagsulat ng Psalm chapter ay kumbinsido na sa Diyos nagmumula ang tagumpay. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil dito. Ang paghatol ng Diyos ay patas. Kaya Diyos lamang ang may last say kung sino ang nagtagumpay. Nasa Diyos ang huling desisyon kung sino ang ibaba (ang magiging talunan) o kung sino ang itataas (ang tatanghalin na nagtagumpay).
Ang tao ay nagnanais na magtagumpay sa buhay. Ngunit ano ba talaga ang sukatan ng tagumpay. Ito ba ang pagdami ng material na bagay, o pagiging dalubhasa sa anumang larangan, o pagkamal ng pera, at iba pa. Ang iba naman ay may gustong marating sa buhay, o umangat lang sa kahirapan. Ano ba talaga ang sukatan? Ang sukatan ng tagumpay ay nakadepende sa pamantayan ng Diyos. Maaaring ayaw ng Diyos na yumaman ka kasi yayabang ka. Konti pa lang pera mo nakakalimutan o kinakaligtaan mo na Siya. Paano pa kung yumaman ka. Sa isang banda, ang maaaring gusto naman ng Diyos ay yumaman ka. Kasi maliit pa lang ang kaperahan mo ay faithful ka na at generous ka pa. Gets na natin ang punto malamang. Hindi ikaw o ako ang magsasabi ng ating tagumpay. Ang Diyos ay may huling hatol pa rin kung gusto ka Niyang ibaba (dahil sa ating kayabangan), o gusto ka niyang itaas (dahil sa ating pagpapasakop sa kanyang kalooban). Magpapasakop ka ba sa kalooban at sa pamantayan ng tagumpay ng Diyos?
Tanggapin sa ating buhay na ang tagumpay ay nagmumula sa Diyos. Pagbulay-bulayan ang pamantayan ng Diyos patungkol sa tagumpay. Madalas ang pakahulugan ng tao sa tagumpay ay malayo sa pakahulugan ng Diyos. Ang Biblia ang naghahayag kung ano ang kalooban at katotohanan ng Diyos. Mag-isip-isip kung ang papuri ng tao lamang ang habol natin. Busisiin baka ang ating ‘definition’ ng tagumpay ay makasarili o makamundo at hindi makadiyos. Pangitiin ang Diyos. Magpasakop ng buong puso sa Diyos.
Panalangin:
Diyos Ama, Ikaw ang aking Panginoon. Patawarin Mo ako sa pagpapasakop ko sa ibang panginoon. Tanggalin ang kagustuhan sa puso ko na magpasakop sa pera o sa kamunduhan sa buhay. Tulungan at sagipin ako. Si Jesus lamang ang Panginoon at Tagapagligtas ng buhay ko.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang katagumpayan sa buhay? Ipaliwanag?
Bakit madalimh mapaniwala sa makasarili o makamundong pamantayan ng tagumpay kesa sa makadiyos na katagumpayan?
Paano magpasakop ka sa kalooban at sa pamantayan ng tagumpay ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions