May 18, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Mga Pangakong Tinupad
Today's Verses: Psalm 76:11–12 (ASND)
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito. Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan. 12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno; kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.
Read Psalm 76
May dahilan bakit ang pangako ay tinupad o hindi tinupad.
Si Asaph na manunulat ng Psalm chapter 76 ay may binanggit patungkol sa pagtupad sa pangako. Sinabi niya ito matapos ng kanyang salaysay tungkol sa karangalan ng Diyos, sa kapangyarihan ng Diyos, at sa kahatulan ng Diyos. Ayon kay Asaph, dahil sa mga bagay na ito, mahalaga ang pagtupad sa anumang naipangako.
Ang pagtupad sa ating mga ipinanangako sa Diyos ay nararapat na tuparin. Ito ay paggalang sa Diyos. Nangangako tayo sa Diyos sa mga pagkakataon tulad ng kagipitan, kahirapan o kaya’y sa matinding kagalakan. Sinasabi natin na gagawin ang ganito para sa Diyos mangyari lamang ang ganito. Kapag nangyari na ang ating inaasahan, minsan o madalas, ang pangakong binitawan ay hindi na tinutupad. Nakakalungkot. Pinaalalahanan tayo ngayon na anuman ang ating ipinangako sa Diyos ay nararapat nating tuparin. Nakasalalay dito ang pagkilala natin sa karangalan ng Diyos, sa kapangyarihan ng Diyos, at sa kahatulan ng Diyos. Kapag hindi natin tinupad ang kusa nating ipinangako, hindi natin kinikilala o hindi natin ginagalang ang karangalan ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos, at ang kahatulan ng Diyos. Sa isang banda, ang pangakong tinupad ay pagpapakita ng parangal o paggalang sa Diyos. Ang pagtupad sa pangako ay nangangahulugan ng pagsamba sa Diyos.
Siyasatin natin ang ating sarili. Magbalik tanaw sa mga panahon ng ating kagipitan o kahirapan at tayo'y nagbitiw ng pangako – lalo sa Diyos. Alamin ang dahilan kung bakit natupad natin o hindi natin natupad ang ating pangako. Hindi kasalanan ang mangako. Ngunit kailangan tuparin ang iyong pangako sa Diyos. Igalang natin ang Diyos. Sambahin natin ang Diyos.
Panalangin:
Diyos Ama, tulungan Mo akong siyasatin ang aking sarili. Ipaalala Mo sa akin ang mga ipinangako Ko sa iyo. Bigyan Mo ako ng lakas ng loob at kakayahan na tuparin ang aking mga pangako sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga ipinangako mo na sa Diyos?
Anu-ano kaya ang mga kadahilanan bakit ang pangako ay natutupad o hindi natutupad?
Paano maging tapat sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions