May 24, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Diyos Pa Rin Ang Tagapagligtas
Today's Verses: Psalm 79:8–9 (ASND)
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno. Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na. 9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami, para sa kapurihan ng inyong pangalan. Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan, alang-alang sa inyong pangalan.
Read Psalm 79
Napagtanto mo na ba ang bigat ng iyong kasalanan na kailangan mo ang isang tagapagligtas?
Ang Psalm chapter 79 lalo na ang verses 8 hanggang 9 ay awit ng pagpapakumbaba at pagsisisi. Ito ay tungkol sa paglapit sa Diyos ng may pagsisisi dahil sa nagawang kasalanan. Napagtanto ng manunulat na ang kasalanan nagawa ng Israel ay lumalala kaya ang mga bansang umaaway sa kanila ay mga nagtagumpay. Ramdam na ramdam ang mga kalupitan nila. Kaya ang naihayag nila ito ng may pag-amin ng kanilang mga kasalanan.
Kailangan natin ang kapatawaran sa ating kasalanan. Kailangan natin si Jesus bilang Tagapagligtas. Tumingin ka sa paligid. Sobrang tindi na ng kasalanan ng sangkatuahan. Maraming tao ang hindi unawa kung ano ba talaga ang kasalanan. Minamaliit ang kasalanan sa maraming paraan. Tanggap na ng lipunan ang kasalanan. Normal na ang magkasala. Kaya hindi unawa ng marami na ang mga problema sa mundo ay dahil sa kasalanan. Andyan ang galit, poot, pag-aaway, pagsamba sa diyos-diyosan, corruption, imoralidad, hindi paggalang sa magulang, kalaswaan, pagiging makasarili, pagkukunwari, pagtalikod sa Diyos, pagpatay, atbpa. Sabi ng iba, total marami naman ang nagkakasala, big deal pa ba ang kasalanan sa ngayon? Opo. Ang totoo ay kailangan natin ng Tagapagligtas! Ang paraan lamang para mapatawad tayo ay sa pamamagitan ng awa ng Diyos at pagliligtas ni Jesu-Kristo.
Humingi tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Magpatawad. Makipagkasundo tayo sa sa Diyos. Alamin natin ang ibig sabihin talaga ng kasalanan sa lipunan, sa pamilya, o sa sarili. Tumalikod sa kasalanan. Bigyan daan sa ating buhay ang Diyos. Magbago ayon sa kalooban ng Diyos. Lumayo sa mga kasamaan at pagiging makasarili. May pangako ang Diyos ng pagpapatawad sa mga nagpapakumbaba. Sapat na paniwalaan natin si Kristo-Hesus. Maniwala kay Jesus at sa kanyang sakripisyo sa krus. Siya ang nag-iisang Tagapagligtas.
Panalangin:
Diyos Ama, kailangan ko ang Iyong kapatawaran. Ako ay nagkasala. Naniniwala ako sa pagpapatawad Mo dahil kay Jesus. Baguhin Mo ako. Ikaw na ang masunod sa buhay ko. Ikaw na po ang aking Panginoon.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Naniniwala ka ba na ang tao ay sumuway at nalalayo dahil sa kasalanan? Ipaliwanag.
Sino ang nag-iisang Tagapagligtas at paano siya naging Tagapagligtas?
Paano maliligtas ng Diyos ang tao sa mga epekto ng kasalanan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions