May 22, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Inalagaan Ng Diyos

Today's Verses:Psalm 78:72 (ASND)

Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.


Read Psalm 78

Kahit marami kang angal sa buhay, naging mabuti pa rin ba ang Diyos sa iyo?


Ang Psalm chapter 78 ay may seventy-two verses. Mahigit dalawa sa tatlong bahagi nito ay ang pagsasalaysay ng mga kabutihan Diyos sa mga Israelita. Nakapaloob din dito ang mga pag-angal at mga pagrerebelde ng mga Israelita sa Diyos. Gayunpaman, naging tapat at mabuti pa rin ang Diyos sa kanila. Nagbigay Siya ng pagkain, ng tubig, ng lilim sa mainit na umaga, at init sa maginaw na gabi. Sa kalagitnaan ng pagsuway at pag-angal ng mga Israelita, inalagaan pa rin sila ng Diyos kasi mahal Niya ang mga ito. 


Ang pag-aalaga ng Diyos sa atin ay puno ng katapatan. Sa kanyang kapangyarihan, pinupunan ng Diyos ang mga pangangailangan ng buong sangkatauhan. Lahat ng mabuting bagay ay galing sa Diyos para sa ikabubuti natin. Magrebelde man tayo sa Kanya ay hindi titigil ang Diyos sa Kanyang kabutihan dahil hindi Niya kayang ikaila ang kanyang sarili. Makaramdam man ang Diyos ng galit dahil sa ating mga pagsuway, nangingibabaw pa rin ang pag-ibig Niya. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na walang pinsala o ‘consequences’ sa ating buhay ang ating mga kasalanan at mga pagsuway. Maaaring sa ngayon ay hindi natin ramdam. Ngunit may nakatakdang kaparusahan sa mga masuwayin balang araw. Sa ganito nating sitwasyon, ang habag ng Diyos ay naka-abang pa rin palagi. Maging ang pagtubos ng Diyos mula sa ating mga kasalanan ay nakaantabay. Ang habag ng pagpapatawad ng Diyos ay nariyan lang at nag-aantay sa mga tutugon ng may pananampalataya at pagtanggap> Ang sakripisyo ng Kanyang anak na si Jesus ay sapat para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan.


Magpakumbaba dahil sa pangangalaga ng Diyos. Huwag balewalain ang kabutihan ng Diyos. May kasunod ito na pagpapatawad. Bigyan pansin natin ang katapatan ng Diyos. Sambahin natin Siya. Magkaroon tayo ng pananaw na makalangit. Kilalanin natin ang Diyos sa kanyang kapurihan. Buong tyaga Niya tayong aantayin hanggan sa nakatalagang oras. Kaya pansinin ang mga katotohanan patungkol Diyos. Sumamba sa Diyos. Maglingkod sa kapwa. Isuko natin ang ating buhay at ating mga pangarap. 

Panalangin:

Mabuting Diyos Ama, salamat sa iyong pagtyatyaga sa aming lahat. Hindi mo kami pinatulan sa aming kakulitan. Nanawagan Ka, kami’y tutugon. Ikaw ang aming Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas, kami ay mananahan at mananatili sa Iyo. Ikaw O, Diyos ay nararapat na pagkatiwalaan. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Numbers 5-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions