May 25, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Bakit Bitin Lagi Sa Buhay?

Today's Verses: Psalm 80:19 (ASND)

O Panginoong Dios na Makapangyarihan, ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan! Ipakita sa amin ang inyong kabutihan upang kami ay maligtas.


Read Psalm 80

Bitin ka ba sa tunay na mahalaga sa buhay?


Naniniwala ang sumulat ng Psalm chapter 80 na si Asaph na kailangan ng bayan niya ang pagliligtas ng Panginoon. Inulit-ulit niya ang panawagan ng pagliligtas sa Diyos ng tatlong beses. Mababasa sa verses 3,7, at 19 ang pare-parehong kahilingan. Maaaring lubos niyang napagmasdan ang kapaligiran na hindi natutuwa ang Diyos sa mga panalangin ng mga tao. Parang may bitin. Ang mukha ng Panginoon ay hindi na nagliliwanag para sa Israel. Kaya ang awit ng panalangin ay, “O Panginoong Dios na Makapangyarihan, ibalik nʼyo sa amin ang mabuting kalagayan!”


Kailangan natin maranasan ang pagliligtas ng Diyos. Masdan ang paligid. Maraming tao naman ang relihiyoso pero bakit parang bitin. Igala natin ang ating paningin, maraming tao ang sagana naman sa buhay pero bakit parang bitin at may kulang pa rin. Bitin ang tao dahil may kulang sa ating buhay – ang presensya ng Diyos. Kulang ang religion. Kulang ang pera. Kulang ang pagmamahal. Kulang ang materyal na bagay. Kulang ang husay. Kulang ang pagsisikap. Ang tao ay laging nagmamadali. Laging instant ang gusto at dapat ‘fast’ din. Laging hindi kumpleto ang buhay ng tao dahil bitin sa kapayapaan na mula sa Diyos. Pilit man nating punuan ang mga bitin at mga kulang sa buhay natin, kung wala ang presensya ng Diyos, bitin pa rin. Kailangan natin ang pagliligtas ng Diyos. 


Alamin kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay na bitin ka. Baka may mga inaakala ka na mahalaga sa buhay pero pangalawa o pangatlo, o huli pala ito sa mahahalaga sa buhay. Gumawa ng listahan ng mahahalaga sa buhay mo at ilapat ito sa mga tunay na mahalaga sa pananaw ng Diyos. Hilingin natin sa Diyos ang kanyang pagliligtas. Manalangin na ipakita muli ng Diyos ang kanyang kabutihan sa bawat aspeto ng ating buhay. Lampasan ang pagiging relihiyoso lamang. Maging tapat sa Diyos. Maging masunurin sa Diyos. Alamin ang kagustuha ng Diyos.

Panalangin:

Kailangan namin ang Iyong pagliligtas, aming Diyos Ama. Dinadaya kami ng aming puso. Bitin kami sa tunay na mahalaga – ang presensya Mo ang kailangan namin. Turuan mo kaming malaman ang Iyong kalooban, maniwala sa Iyong mga pangako, at masunod ang Iyong mga utos.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Numbers 9-10

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions