May 29, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Lubos Na Manalangin

Today's Verses: Psalm 82:3–5 (ASND)

3Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila. Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi. 4Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao! 5Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi! Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.


Read Psalm 82

Bakit kailangan nating lubos na manalangin sa Diyos para sa kaayusan ng ating pananatili at pamumuhay dito sa mundo?


Ang Psalm chapter 82 ay isa sa mga mahirap unawain at ipaliwanag na awit. Ang kalituhan dito ay kung sino ang kinakausap ng Diyos. Sa unawa sa paulit-ulit na pagbasa, malinaw na may mga kausap ang Diyos na sila ang nagiging dahilan ng kawalan ng katarungan, kawalan ng karapatan ng mga inaapi, kawalan ng kaligtasan ng mga mahihina at nangangailangan dahil sa mga masasamang tao. Malinaw na hindi mga tao ang kausap kundi mga ispiritwal na nilalang na mga nagrebelde sa Diyos. At dahil dito, nangyari ang kawalan ng katarungan at iba pa na mga unang binanggit sa itaas. Sila ay parurusahan ng Diyos dahil sa maling pamamahala. 


Lahat sa pisikal na nakikita ng ating mga mata ay may pinanggalingan sa nangyayari sa ispiritwal. Anumang nangyayari na kawalan ng katarungan, kawalan ng karapatan ng mga inaapi, kawalan ng kaligtasan ng mga mahihina at nangangailangan ay may kinalaman ang nilalang na tao at maging ng mga iba pang mga di nakikitang nilalang. Sa ganitong katotohanan, dito pumapasok ang kahalagahan ng mataimtim na pananalangin at ang pagpapasakop ng tao sa Diyos. May mga ispiritwal na nilalang na katulad ng ahas hardin sa Eden na pilit na nagtuturo ng maling paniniwala at pamumuhay. Sila ang mga nagpapasimuno ng mga kaguluhan, kasinungalingan, at iba pang kasalanan na nagagawa ng tao. Dahil sa kanila kaya ang tao ay naniniwala sa maraming kasinungalingan at nakasanayan na ang magkasala. Ang pinakamalala, ang tao ay sumasamba na sa kanila. Ito ang dahilan kaya kailangan natin ang manalangin sa Diyos. Kailangan nating manalangin upang ang paghahari ng Diyos ay mangyari dito sa lupa gaya ng sa langit.


Manalangin ng may tamang kaalaman. Manalangin ng may tamang pananaw. Magpasakop sa Diyos at humiling ng Kanyang matuwid na paghatol sa mga bansa at sa mga namumuno dito – namumuno na pisikal man o ispirituwal. Manalig na mas makapangyarihan pa rin ang Diyos kesa kaninong tao at anupang nilalang.

Panalangin:

Maghari Ka, aming Diyos Ama. Itaguyod Mo ang iyong makatarungang paghatol. Mangyari ang kalooban mo dito sa lupa gaya ng sa langit. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Numbers 13-14

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions