May 30, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Diyos Ay Kilalanin At Ipakilala
Today's Verses: Psalm 83:1,18 (ASND)
1O Dios, huwag kayong manahimik. Kumilos po kayo! … 18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
Read Psalm 83
Kilala ba talaga natin ang Diyos ng sapat para Siya’y ipakilala natin sa pamamagitan ng ating pananalita, ng ating pag-uugali, at ng ating pamumuhay?
Ang manunulat ng Psalm 83 na si Asaph ay humuhugot. Siya ay naglalabas ng kanyang hinaing tungkol sa kawalan ng pagkilala ng mga tao sa Diyos. May binanggit siyang mga bansa na hindi kilala si Yahweh kaya hindi nila Siya kinikilala. Ang malungkot, ang mga bansang ito‘y hindi kilala at hindi ginagalang ang Diyos. Sa sobrang sama na ng mga tao ng mga bansang binanggit, pati ang Israel ay kanilang balak wasakin. Sa dulo ng awit, ang panalangin ni Asaph ay ang paghatol ng Diyos sa mga bansa – at nawa makilala ng mga karatig bansa kung sino talaga si Yahweh bilang Diyos.
Maraming tao pa rin ang hindi kilala ang Diyos. Bagamat marami ang relihiyoso, malaki pa rin ang kakulangan ng pagkilala kung sino ba talaga ang Diyos. Magkaiba ang pagiging relihiyoso lamang kumpara sa tunay na pagkilala ang Diyos. Tayong mga Filipino kahit nung bata pa ay may alam na tungkol sa Diyos. May ‘basic’ tayong kaalaman kung sino si ‘Jesus Christ’. May ilang alam tayo sa kapanganakan, sakripisyo, o kamatayan ni Jesus. May holidays pa nga tayo para diyan. May alam din ‘basically’ ang mga tao tungkol sa Diyos Ama (bagamat may mga maling katuruan kumakalat na hindi Diyos si Jesus). Ngunit ang ‘makilala’ ang Diyos ay napapatunayan kung ‘kinikilala’ at ‘ipinakikilala’ natin Siya sa ibang tao. Ito ang malaking ‘challenge’ sa ating mga relihiyoso: kilala ba talaga natin si Jesus ng sapat para Siya kilalanin natin at ipakilala sa pamamagitan ng ating pananalita at pamumuhay?
Ipanalangin na makilala natin ang Diyos. Maglaan ng panahon sa pagbabasa at pag-aaral ng Biblia. Idagdag pa ang pakikipag-usap sa mga tao na may naising makilala ang Diyos. Sambahin ang Diyos. Gawin ang mga ito ng regular at mapapansin mo ang iyong sarili na unti-unti kang kumikilala sa Diyos at ‘ipinakikilala’ din natin Siya sa ibang tao.
Panalangin:
Diyos Ama, nais ko ngayon na mas makilala Ka. Dalin Mo po ako sa mas malalim na relasyon kay Jesus. Nais ko ngayon na ipakilala Ka sa aking mga kaibigan at kamag-anak. Magiging kumpleto ang buhay ko kung Ikaw ay makilala ko at maipakilala din kita sa iba.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit dapat mong mas kilalanin ang Diyos?
Paano mo magagawang makilala ang Diyos at ipakilala Siya sa iba?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions