November 19, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Ang Diyos Bilang Ama
Today's Verses: Matthew 5:16 (MBBTag)
Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Read Matthew 5
Ano ang pakiramdam nang masubukan mong maging mabuting ehemplo sa iyong kapwa?
Sa Mateo 5:13-16, itinuro ni Jesus sa mga tagasunod Niya na maging asin ng lupa at ilaw ng mundo. Ang asin ay nagbibigay lasa at nag-iingat laban sa kasamaan, habang ang ilaw ay nagpapakita ng kabutihan at kaluwalhatian ng Diyos. Ipinag-utos ni Jesus na ang mga mabubuting gawa ay magpupuri sa Diyos Ama.
Ang Diyos ay tinatawag na Ama sa Biblia, ngunit madalas hindi ito binibigyang halaga. Si Jesus mismo ay ipinakikilala ang Diyos bilang Ama sa tatlong aspeto: una, Siya ang Ama dahil Siya ang lumikha ng tao, isang katotohanan na para sa lahat. Pangalawa, sa Israel, ang Diyos ay Ama dahil pinili Niya ang bansang ito mula sa lahat ng bansa upang maging Kanya. Ito ay tanging para sa Israel at hindi maaaring i-claim ng iba. Pangatlo, ang Diyos ay espirituwal na Ama ng mga tumanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas, na tumubos sa kanilang kasalanan at nagligtas mula sa kaparusahan, at ito ay para lamang sa mga tumalima sa Kanyang panawagan at sumusunod sa Kanyang kalooban. Sa konteksto ng Mateo 5:16, kausap ni Jesus ang mga Israelita. Ngunit ipinakita Niya na darating ang panahon na ang mga hindi-Israelita ay magiging bahagi ng pamilya ng Diyos at magpapakita ng kanilang mabubuting gawa dahil sa kanilang relasyon sa Ama sa pamamagitan ni Jesus. Sa kabilang banda, ang mga nagpapatuloy sa paggawa ng masama at makasariling pag-uugali ay nagpapakita na hindi ang Diyos ang kanilang Ama. Ang tunay na anak ng Diyos ay nagliliwanag ang buhay sa paggawa ng mabuti, bilang patunay ng kanilang relasyon kay Jesus at sa Ama.
Kilalanin ang Diyos bilang iyong Ama. Tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas. Sundin ang Kanyang mga utos sa pamamagitan ng pagiging tapat sa paggawa ng mabuti. Ipakita ang mabuti mong gawa sa iba bilang patunay ng iyong relasyon sa Diyos Ama. Huwag hayaang maghari ang kasamaan at makasariling pag-uugali sa iyong buhay. Ipagmalaki mo ang iyong pagiging anak ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mabubuting gawang nagbibigay kaluwalhatian sa Kanya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, pagtibayin mo sa akin na ikaw ay aking Ama. Gabayan Mo ako sa paggawa ng mabuti at pagtupad sa Iyong kalooban kung ako’y anak mo. Turuan Mo akong magliwanag.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga ang makilala ang Diyos bilang Ama?
Bakit mahalaga ang paggawa ng mabuti bilang patunay ng pagkakaroon relasyon sa Ama sa pamamagitan ni Jesus?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions