Apri1 21, 2023 | Friday
Nararapat Na Pananaw sa Pagsasaya at Pagdiriwang
Today's verse — Luke 15:31-32, MBBTag
31Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. 32Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’”
Read: Luke 15
May nararapat na pananaw sa lahat ng sitwasyon – lalo na sa pagsasaya at pagdiriwang.
Ang kwento ni Hesu-Kristo tungkol sa alibughang anak ay nagpapahayag ng pananaw sa pagdiriwang at pagsasaya. Para sa Ama, nang manumbalik ang kanyang alibughang anak mula sa paglayo at paglulustay ng kayaman ay naisipan niya itong ipagsaya at ipagdiwang. Sapagkat para sa kanya, ang anak niya na ito ay “namatay na …, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.” Ngunit hindi ito naunawaan ng panganay na anak. Para sa kanya wala itong ‘sense’ kung ikukumpara sa kanyang pagpapakapagod sa pagsunod sa kanyang ama. Para sa panganay, walang sense na i-celebrate itong panunumbalik ng alibugha at masuwaying anak.
Ito ngayon ang katanungan: Ano ang nararapat na pananaw natin patungkol sa pagsasaya at pagdiriwang tuwing may nagsisisi at nanunumbalik sa Diyos? Ayon sa inihayag na kwento ni Hesus, dapat tayong mag-celebrate tuwing may taong matapos na lumayo sa Diyos ay nanunumbalik na sa Kanya. Ipinapaunawa din sa atin na ang paglayo sa Diyos at sa kanyang kalooban ay may pakahulugan ng kamatayan at pagkawala. At ang panunumbalik sa Diyos ay may pakahulugan ng pagkabuhay at muling natagpuan. At dahil sa panunumbalik, dapat itong ipagsaya at ipagdiwang! Tayo din naman ganun ang pinagdaanan. Dati din tayong napalayo sa Diyos. At ngayon, tayo ay nakapanumbalik na ng may pagsisi sa mga nagawa nating mga kasalanan.
Bilang mga mananampalataya, dapat natin bigyan ng pansin ang panunumbalik ng mga tao sa Diyos. Dapat natin itong ipagsaya at ipagdiwang. Dapat tayong makiisa sa Diyos sa Kanyang klase ng pagsasaya at pagdiriwang. Dapat nating antabayanan ang panunumbalik ng mga tao sa Diyos gaano man sila napalayo. Simula ngayong araw, buong pagpapakumbaba nating mas ipanalangin na mas marami ang manumbalik sa Diyos.
Aming Panginoon, patawarin mo kami sa di namin pkikiisa sa Iyong kagalakan sa tuwing may makasalanang nanunumbalik sa Iyo. Ngayon, kami ay nagpapakumbaba sa Iyo. Gusto rin naming mas makisaya at mas makipagdiwang sa Iyo sa tuwing may makasalanang nanunumbalik. Nawa, mas maraming tao ang manumbalik sa iyo.
Sa pangalan ni Hesu-Kristo, kami’y nananalangin, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang ibig sabihin ng panunumbalik sa Diyos?
Bakit mahalaga na ang mga tao ay magsisi at manumbalik sa Diyos?
Papaano natin magagawa na makisaya at makipagdiwang sa Diyos sa tuwing may taong nagsisisi at nanumbalik sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions
Papaano napagtagumpayan ni Hesu-Kristo ang kamatayan at ang mga takot na dulot nito?
April 8, 2023