Apri1 28, 2023 | Friday

May Kapangyarihan Na Galing Sa Diyos

Today's verse: 2 Corinto 4:7 – MBBTag

Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin.



Read: 2 Corinto 4

Manangan sa lakas at kapangyarihan ng Panginoon upang ang magandang kinabukasan ay lubos na makamtan.


Sinasabi sa atin ng talata na may limitasyon ang ating pagkatao. Tayo’y "mga palayok na gawa sa putik". Ngunit sa loob ng putik na ito ay ang Makapangyarihan sa lahat. Nilagay Niya sa kalooban natin ang "kayamanang spiriritual" dahil kay Kristo-Hesus. Ang palayok na gawa sa putik ay may gumawa at ang paggawa nito ay naaayon sa kaisipan at disenyo ng gumawa. At dahil ang Diyos ang gumawa, ito ay napakahusay, may layunin, may design, at may destiny. Kaya hindi natin pwdeng maliitin ang pagkagawa ng Diyos sa bawat isa.


Tayo’y hindi ordinaryong tao dahil kay Kristo. Tayo ay mga anak ng Diyos na may kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at pananampalataya, mapagtatagumpayan natin ang lahat ng mga pagsubok at problema sa buhay. Magagawa nating ipahayag sa sanlibutan ang salita ng Diyos na may kapangyarihan. Pwde nating ibahagi sa iba ang kaligtasan mula sa Diyos. Kaya nating ipahayag sa kapangyarihan ng kadiliman na sila ay natalo na sa pamamagitan ng dugo ni Jesus Christ! At pwede nating maranasan ang ibat-ibang pagpapala kahit nasa gitna tayo ng mga pagsubok. Hindi malirip ang mga nilagay Niya sa "sisidlang putik” na ito”. Ginawa Niya ito upang maparangalan Siya.


Harapin natin ang pagsubok sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng Diyos. Huwag tayo mapanghinaan ng loob. Magtiwala sa Diyos. Panghawakan natin ang Kanyang mga Salita. Bigyan daan natin ang Espiritu na kumilos sa ating buhay. Ipahayag natin ang Salita sa bawat tao na kausap natin. Huwag sayangin ang pagkakataon. Huwag hatulan ang ating sarili. Ang bawat isa ay may ibat-ibang kaloob na galing sa Diyos. 

Panginoon maraming salamat sa pagkatawag mo sa akin bilang anak mo na may ibat ibang kaloob. Salamat po sa ibat-ibang mga pagpapala na natatanggap. Patawarin mo po ako sa kakulangan sa unawa sa aking kalalagayan. Turuan Mo po ako na gamitin ang ibat-ibang kaloob na ito at hindi ko sayangin ang mga pagkakataon lalao na ang maipahayag ang iyong Salita sa iba. 

Sa matamis na panganlan ni Hesus, Amen.

Pagnilayan:

Written by: Miguel Amihan Jr

Read Previous Devotions