Apri1 6, 2023 | Thursday

Kasalana’y Inako Sa Pagpapapako

Today's verse  1 Peter 2:24-25, ASND

24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.


Read: 1 Peter 2

Ang pagpako kay Hesus sa krus ay para akuin ang ating mga kasalanan. At ang sugat naman Niya ay para sa ating kagalingan. 


Si Apostol Pedro ay nagpapaalala sa mga mananampalataya na may pangako ng kapatawaran at kagalingan mula sa Diyos. Ang kapatawaran ay dahil sa pagkapako ni Hesus. At ang kagalingan naman ay mula sa mga sugat Niya. Mapapansin din sa talata na may karugtong itong motibo kung bakit inako ni Hesus ang kasalanan. Ayon kay Pedro, ito ay para iwanan na ng mananampalataya ang buhay na makasalanan. Hindi lang iwanan na ang buhay na makasalanan, kundi ang mamuhay ng matuwid para sa Diyos. Napakalinaw para kay Pedro, na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at kagalingan mula sa ating mga sakit ay para ang Diyos ay maparangalan dahil sa ating pagsunod sa Kanya. 


Kung papansin natin ang ating buhay ngayon, may ilang mga katanungan na dapat nating isaisip: Alam ko ba talaga ang halaga na kailangang bayaran ni Hesus para ako ay mapatawad? Nauunawaan ko ba ang sakripisyo ng dinaanan ni Hesus para sa aking kapatawaran at kagalingan? Anong kasalanan o pagsuway ang namamayani sa akin na kailangan kong mapagtagumpayan para ako ay talagang mamuhay ng matuwid o masunurin sa Diyos?


Ngayong Holy Week, kailangan nating mangilin. Manahimik at mag-isip-isip kung nasan na tayo sa ating pakikitungo sa Diyos. Tayo ay dapat na may tunay at lumalalim na relasyon sa Diyos. Sa loob ng relasyon na ito ay dapat na matamasa natin ang kapatawaran sa kasalanan. Maging ang kagalingan sa anumang pisikal o emosyonal na karamdaman. Magalak ang buhay kung parehong may kapatawaran at kagalingan mula sa lumalalim na relasyon sa Diyos.

Aming Diyos at Panginoon, salamat mahal Niyo po ako. Kailangan ko ang Iyong kapatawaran at kagalingan. Ayaw kong maghari sa akin ang anumang kasalanan, masamang gawain at masamang pag-uugali. Ako ay patawarin Mo at linisin Mo. Anuman ang karamdaman sa aking katawan, ay pagalingin Mo. Anuman ang kaguluhan sa aking puso’t isipin, ay payapain Mo. Naniniwala ako sa Iyo. Turuan mo akong palagiang sumunod sa Iyo.

Panginoong Hesus, Ikaw ang aking Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas. Amen!

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions

Ano ang nais iparating ni Pablo nang sabihin niyang "upang maging kanyang sariling pag-aari?

April 5, 2023

Ano ang nais iparating ni Pablo nang sabihin niyang "upang maging kanyang sariling pag-aari?

April 4, 2023

Ano ang dapat nating gawin kapag dumating na ang galit, poot, o inggit sa buhay?

April 3, 2023