December 12, 2023 | Tuesday
Kapag Nawawalan Ng Pag-Asa
Today's Verse: Psalm 142:1-3 (ASND)
Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon. Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako. 2 Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin. 3 Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin. Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Read Psalm 142
Ang pagdaraing ng tao kapag nawawalan na ng pag-asa ay ramdam ng Panginoon at hindi Niya binabalewa.
Naranasan ni David bago siya naging hari ang halos mawalan ng pag-asa. Nang pag-initan siya ni Haring Saul dahil sa mga hindi mabuting dahilan ay kinailangan ni David na magtago sa mga kuweba ng Israel. Ito ang kanyang naging basehan sa kanyang pagsulat ng Psalm 142. Ayon sa Psalm 142, hindi nawalan ng pag-asa si David kahit na siya’y may dahilan na mabagabag. Itinuon niya ang kanyang pansin sa Panginoon. Nanalangin. Nagsabi ng mga hinaing. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Sapat ang tiwala ni David na nariyan ang Panginoon para magbantay sa kanya.
Ang mga dinaranas nating mga problema ay pansin ng Diyos – lalo na kung ikaw ay anak Niya. Nariyan ang Diyos sa paligid. Nakamasid. Nag-aantay sa atin na kilalanin Siya sa anumang problema natin. Maging sa ‘lowest point’ ng buhay natin ay hindi nagpabaya ang Diyos. Merong concern ang Diyos kahit na sa ating pag-iisa. Kahit na sa mga panahon na halos mawalan na tayo ng pag-asa. Sa punto din na ito ng lowest point ng ating buhay, pwede nating mas mapatunayan ang katapatan at mga galawan ng Diyos.
Manalangin kahit nawawalan na ng pag-asa. Lumapit sa Panginoon. Matutunan natin na manahimik sa presensya ng Diyos. Marami man ang mga labanan sa ating puso’t isipan na pilit tayong dinadala sa kawalan ng pag-asa, pwede nating mapagtagumpayan ang mga ito. Sabihin sa Diyos ang problemang kinakaharap. Pangalanan ang iyong mga dalahin. Magsabi sa Diyos. Mahalaga na mabigkas natin sa Diyos ang mga hinaing dahil sa mga pagsubok na ating nararanasan. Magpakumbaba sa Diyos sa anumang pagkukulang natin. Ituon ang ating pansin sa Diyos. Magbigay pag-asa.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, aking inilalapit ang aking sarili sa Iyo. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan. Sa mga panahon na ako’y nawawalan ng pag-asa, palakasin Niyo po ako. Iligtas Mo po ako sa anumang problema. Hindi ako mawawalan ng pag-asa dahil ikaw ay palaging nariyan.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga pinanggagalingang dahilan ng mga taong nawawalan na ng pag-asa?
Paano natin magagawa na magkaroon ng kalakasan kahit na maraming dahilan para mawalan ng pag-asa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions