December 9, 2023 | Saturday
Ang Mensahe Ng Krus
Today's Verse: 1 Corinthians 1:18-19 (FSV)
Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat, “Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin, at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”
Read 1 Corinthians 1
Anuman ang iyong pananaw o pinaniniwalaan, may kapangyarihan ng Diyos na nakapaloob sa ‘mensahe ng krus’ ni Jesus.
Si Apostle Pablo ay mariing sinabi na may dalawang ‘mensahe ng krus’ ayon sa unawa ng dalawang grupo ng tao. Sa mga napapahamak, ang ‘mensahe ng krus’ ay kahangalan o kaisipang walang saysay. Sa mga naliligtas, ang ‘mensahe ng krus’ ay kapangyarihan ng Diyos. Alam ni Pablo na ang isang ‘mensahe ng krus’ ay may dalawang pakahulugan. Nakadepende ang pakahulugan sa pananaw at kalalagayan ng tao – ang mga taong napapahamak at ang mga taong naliligtas.
Ang kapangyarihan ng Diyos na nakapaloob sa ‘mensahe ng krus’ ni Jesus ay mararanasan lamang ng mga naliligtas. Ang pagiging ligtas natin ay kung tayo ay naniniwala at nababago ng ‘mensahe ng krus’. Kung tayo ay may kakaibang pagnanais na makilala si Jesus, at lumalago ang paniniwala natin sa Diyos dahil sa pakikinig natin sa ‘mensahe ng krus’, tayo ay isa sa mga ‘nililigtas’. Ang katotohanang ito ay dapat na lalong inuunawa ng lumalagong Kristiyano. Natural na nangyayari ang pagbabago o pagliligtas dahil sa palagiang ‘exposure’ sa ‘mensahe ng krus’. Maaring hindi mo unawa ang kabuuang proseso. Pero kung nakikita ng mga tao ang iyong lumalagong paniniwala at ang iyong nahahalatang pagbabago sa pamumuhay, magdiwang ka! Ang kaligtasan mo ay genuine! Ikaw ay mas marunong sa mata ng Diyos.
Maging natural ang iyong pagbabagong buhay. Payagan mo na gumana ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong sarili. Payagan mo ang kapangyarihan ng ‘mensahe ng krus’ na mag-take effect sa iyong pananaw at sa iyong pag-uugali. Magpasakop sa Diyos. Lumago sa iyong pagiging Kristiyano. Alalahanin madalas na “ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.”
Panalangin:
Makapangyarihang Diyos Ama, naniniwala ako sa ‘mensahe ng krus’ ng Iyong anak na si Jesus. Naniniwala ako na ang kapangyarihan mo ay nakapaloob sa ‘mensahe ng krus’. Ako ay nagpapasakop sa Iyo at sa iyong Anak na si Jesus. Salamat at nililigtas mo ako araw-araw sa masamang sistema ng sanlibutan.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ‘mensahe ng krus’ ni Jesus?
Ano ang dalawang pakahulugan ng ‘mensahe ng krus’ ayon sa mga napapahamak at ayon sa mga naliligtas?
Papaano ko masisigurado na isa ako sa mga naliligtas ng ‘mensahe ng krus’?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions