December 13, 2023 | Wednesday

Ang Takdang Panahon Ng Diyos

Today's Verse: Galatians 4:4–5 (FSV)

4 Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan, 5 upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayo'y matanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos.


Read Galatians 4 

Ang Diyos ang nagtalaga ng takdang panahon para maisakatuparan ang pagliligtas sa tao – ang magbigay ng karapatan na maging mga anak ng Diyos.


Nalaman ni Apostle Pablo ang naisin ng Diyos na pagpapalaya at pagliligtas sa tao. Ibinabahagi niya sa kanyang mga inaalagaang mga mananampalataya ang ‘timing’ ng pagliligtas na ginawa ng Diyos. Inihayag ni Pablo na ang pagiging mga anak ng Diyos ay gawad na karapatan.


Sa ating buhay, ang Diyos ang may karapatan na magbigay ng pagkakataon upang tayo ay makalapit sa Kanya. Ang Diyos din ang nagbibigay ng kakayanan na tayo ay manampalataya sa Kanya. Ang Diyos pa rin ang Siyang nagkakaloob ng karapatan sa tao na sasampalataya upang maging mga anak ng Diyos. Ang nakaka-excite ay ang katotohanan na nangyayari ang lahat ng ito dahil kay Jesu-Kristo. Nagkatawang tao si Jesus. Siya ay naging masunurin hanggang kamatayan upang maisakatuparan ang pagpapalaya at ang pagliligtas sa mga tutugon sa Diyos ng may pananampalataya. Ang Diyos, dahil kay Jesus, ang naggawad ng himala ng kaligtasan.


Samantalahin ang pagkakataong maging malaya. Ang Diyos ang nagpapalaya. Lumapit kay Jesus. Siya ang tanging paraan tungo sa pagtanggap ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Nababasa mo ito ngayon dahil sa dalawang kadahilanan: ikaw ay tumanggap at nanalig na kay Jesus; o ikaw ay binibigyan ng Diyos ngayon ng pagkakataon na tumanggap at manalig na kay Jesus. Pagbulayan mong mabuti ang katotohanang ito.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, ako ngayon ay tumutugon sa iyong panawagan na manalig sa Iyong Anak na si Jesus. Naniniwala ako sa Kanyang mga ginawa para sa aking kalayaan sa tanikala ng kasalanan. Ngayon, nais kong ilaan ang aking buhay sa pagsamba sa Iyo, pagsunod sa Iyo, at paglilingkod sa Iyo.

In Jesus’ Name, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Colossians 1-2

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions