December 20, 2023 | Wednesday
Ipinapakita Ng Diyos Ang Pag-Ibig Niya Sa Atin
Today's Verse: Romans 5:8 (FSV)
Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
Read Romans 5
Ang patunay ng pag-ibig ng Diyos ay minahal Niya na tayo nung hindi pa natin Siya mahal.
Si Apostle Pablo ay sobrang kombinsido sa pag-ibig ng Diyos. Buong puso niyang itinuturo na minahal na ng Diyos ang mga tao kahit na nung mga makasalanan pa. Ang pruweba nito ay ang dakilang sakripisyo ni Jesus – ang Kanyang kamatayan sa krus. Ayon sa paliwanag ni Pablo, sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig.
Patuloy na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin. Ang kasalanan natin bilang tao ay hindi nakakapigil sa Diyos para tayo’y mahalin Niya. Walang kundisyon ang pag-ibig ng Diyos. Walang kasalanan na makapagtataboy sa Diyos at sa Kanyang pag-ibig. Walang pader na pwedeng humarang sa pag-ibig Niya sa atin. Iniabot ng Diyos ang kanyang kamay na puno ng pag-ibig sa atin na mga makasalanan. Ang kamatayan ni Jesus ay pagpapakita ng Diyos ng Kanyang mabuting plano para sa atin.
Tumugon ng may pananampalataya sa Diyos na puno ng pag-ibig. Dalin natin ang ating mga kasalanan sa paanan ng krus ni Jesus. Hinding-hindi Siya mao-offend kahit marami na tayong nagawang kasalanan. Huwag mahiya sa Diyos, bagkus mapagpakumbaba na lumapit sa Kanya. Hindi Siya mabibigla kahit marami na tayong pagkakamali at pagkakasala. Handa ang Diyos na magpatawad. Walang sawang ipinapakita ng Diyos ang pag-ibig niya sa atin. Lumapit sa Diyos araw-araw ng may pasasalamat, may pagsamba, at may paglilingkod. Ito ang iyong tugon sa pag-ibig sa iyo ng Diyos.
Panalangin:
Salamat po aking, Diyos Ama, dahil Ikaw ang unang nagpakita sa akin ng pag-ibig. Hindi pa kita mahal ay mahal Mo na ako. Salamat sa sakripisyo ng Iyong anak na si Jesus. Naniniwala po ako. Nagpapakumbaba din po ako sa Iyo. Tulungan Mo po akong maranasan ang iyong pag-ibig sa araw-araw ng aking buhay.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Bakit namatay si Jesus para sa mga tao?
Kung ikaw ay bibigyan ng pagkakataon na magtanong tungkol sa pag-ibig ng Diyos, ano ang iyong itatanong?
Papaano natin nararanasan ang pag-ibig ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions