August 26, 2023 | Saturday
Gumawa Ng Mabuti Habang May Pagkakataon
Today's verse: Galatians 6:9-10 (MBBTag)
9 Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo panghihinaan ng loob. 10 Kaya't habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.
Read: Galatians 6
Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay isang privilege. Walang sawang gawin ito habang may pagkakataon.
Sinulatan ni Apostle Pablo ang mga mananampalataya sa kalagitnaan ng matinding pag-uusig dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Marami ang nawawalan na ng pag-asa dahil sa sari-saring kahirapan – emosyonal at pisikal. Kumakapit pa rin sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ngunit mas marami ang dahilan para mag-give up na lang. Sa ganitong kalalagayan hinimok ni Pablo ang mga believers. Ang paghikayat ay ang huwag mawalan ng pag-asa at huwag pagsawaan ang paggawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon.
Ang paggawa ng mabuti ay paghimok na para sa lahat ng tao. Nakakamanghang isipin na sa mga Kristiano ay ganun din ang himok o paanyaya. Pero ito ay may karagdagan katotohanan … “lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.” Ang mga “kasambahay sa pananampalataya” ay ang mga kapwa mananampalataya. Yes, dapat gawan ng mabuti ang kapwa tao, ngunit sa kapwa mananampalataya ay mas lalo na. Bilang tao, madali tayong magsawa sa paggawa ng mabuti lalo na kung wala o kulang appreciation o di kaya’y naaabuso na ang gumagawa ng mabuti. Ganun pa man, ang paggawa ng mabuti ay huwag kasawaan at huwag din tayong panghinaan. Ang pagkakaroon ng pag-asa ay malaki ang kinalaman sa pagpapatuloy sa paggawa ng mabuti.
Isipin na ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa bahagi ng ating pagsunod sa Diyos. Magpatuloy at huwag pagsawaan. Magpalakas at huwag mapanghinaan. Asahan na may reward si Lord sa mga nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon. Tulungan ang dapat tulungan. Tulungan at huwag pagsawaan gawan ng mabuti ang kapwa tao, at lalo na ang kapwa manananmpalataya.
Panalangin
Diyos Ama, salamat at niligtas mo ako dahil pananampalataya ko sa Iyong Anak. Ngayong ako’y ligtas na, bigyan mo lalo ako ng pagpupursigi na gumawa ng mabuti. Ako’y bigyan mo ng pusong matulungin lalo na sa kapwa mananampalataya.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Bakit mahalaga na gumawa ng mabuti habang may pagkakataon?
Gumagawa ba ng mabuti ang isang Kristiano para maligtas at mapunta sa langit dahil sa mabuting gawa?
Papaano gumawa ng mabuti ng walang sawa at panghihinawa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions