July 11, 2023 | Tuesday

Pinahahalagahan At Pinangangalagaan

Today's verse: Psalms 8:3-4, MBBTag

3Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay, pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay. 4Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?


Read: Psalm 8 

Ang Diyos ang lumikha sa lahat tao. Alam Niya kung papaano sila pahalagahan at pangalagaan.


Ayon sa Psalm 8:3-4, nagawa ni Haring David na pagmasdan ang sangnilikha. Wala siyang gamit na powerful telescopes noon kundi ang kanyang mata lamang. Naisip o pinagmasdan niya rin maaari ang mga tao sa paligid. Sa kanyang pananampalataya, kanyang napag-isip-isip ang katanungang “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?” Ito ay mahahalagang mga katanungan. Ito ay may pananampalatayang mga katanungan. 


Pinapag-isip tayo ng Salita ng Diyos tungkol sa  pagpapahalaga at pangangalaga ng Diyos sa ating lahat. Sa ating pag-iisip sa pagpapahalaga at pangangalaga ng Diyos sa tao, mapapansin na wala itong nakalakip na kundisyon. Hindi pinahalagahan ng Diyos ang tao  dahil sila ay mahalaga. Hindi pinapangalagaan ng Diyos ang tao dahil may utang na loob Siya o may makakamit Siyang pagpapala. Pinahalagahan at pinangangalagaan ng Diyos ang tao dahil ang Diyos ay mapagpahalaga at mapag-alaga. Ang ating halaga ay nakaugnay sa Diyos. Kung tatanggalin ang Diyos sa atin, tayo ay simpleng walang halaga.


Manahimik tayo at magbulay-bulay sa mga pagkakataon na tayo’y hindi abala. Malalim nating isipin na tayo ay pinahahalagahan at pinangangalagaan ng Diyos. Alisin natin ang labis na pag-aalala sa mga pangangailangan natin. Responsibilidad ng Diyos na tayo’y alagaan. Mula sa puso ng Diyos ito. Imbis na tao ay mag-worry sa mga bagay-bagay, tayo ay mag-worship sa ating Diyos. Alam Niya ang ating lungkot at lumbay. Ramdam Niya ang ating mga kagalakan at mga kapighatian. Hindi malayo ang Diyos.Tayo ang lumalayo sa Kanya dahil sa ating mga kaabalahan at mga kasalanan. Halina’t sambahin natin ang Diyos!

Panalangin

Aming Diyos Ama, naniniwala ako at humahanga sa iyong pangangalaga at pagpapahalaga sa akin. Sinasamba ko po Kayo mula sa aking puso. Tulungan niyo po akong huwag mag-worry. Bagkus, ako ay lalo pang mag-worship sa Iyo. Salamat ng marami.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions