July 13, 2023 | Thursday
Ang Kasalukuyan At Ang Panghinaharap
Today's verse: 1 Peter 1:24-25, FSV
24 Sapagkat, “Ang lahat ng tao'y gaya ng damo, at lahat ng kaluwalhatian nila'y tulad ng bulaklak sa parang. Ang damo'y natutuyo, at nalalanta ang bulaklak, 25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.” At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Read: 1 Peter 1
Ang katotohanan ay may mga bagay na pansamantala at may mga bagay na nananatili. Ang tao ay pansamantala at ang Diyos at Kanyang Salita ay mananatili magpakailanman.
Si Apostle Peter ay isa sa mga prominent na disciples ni Jesus Christ. Siya ang isa sa original na 12 Disciples. Marami siyang pinagdaanan bilang disipulo. Marami siyang nagawang palpak at may mga mahusay din siyang ginawa para kay Jesus na natutunan sa Panginoon. At isa sa mga natutunan niya ay magbata at manatiling tapat sa pagsamba at pagsunod sa Diyos. At base sa ating verse for today, mababasa na may malinaw siyang pananaw sa pansamantala at sa mga nananatili. At alam ni Pedro na ang Diyos at ang Kanyang Salita ay mananatili magpakailanman.
Ibig sabihin nito sa atin ay ang pagkakaroon natin ng mas malayuang pananaw. Katulad ni Pedro, maaaring may mga pinagdaanan din tayong mga kapalpakan sa buhay. Meron din tayong mga naging tagumpay o achievements. Ngayon, ang suggestion ni Pedro ay makita natin na anuman ang ating achievements, kapalpakan sa buhay, o anumang plano natin para sa ating kinabukasan ay nararapat na tingnan ang mga ito sa pananaw na may mga bagay na pansamantala at may mga bagay na nananatili.
Simula ngayon, mas tingnan natin ang pangkasalukuyan at ang panghinaharap sa makadiyos na pananaw. Ang ginagawa natin sa kasalukuyan ay lagyan natin ng makadiyos na adhikain, makadiyos na layunin, at makadiyos na pagpupursige: na anuman ang ginagawa natin presently ay ginagawa natin dahil sa Diyos at para sa Diyos; na ang Salita niya ang ating tunay na gabay, ilaw, liwanag, at katuwiran; na kung may pasakit at dalamhati ay mananatili pa rin tayong tapat sa Diyos at sa kanyang katotohanan; na kung tayo ay nanlulupaypay ay ang Diyos ang ating magiging lakas; na kung may malakas na tukso na sumuko ay hindi tayo babase sa ating emotion o sariling unawa; na ang Diyos ang ating Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas. Ang Diyos at ang Kanyang Salita ay mananatili magpakainlanman.
Panalangin
Diyos Ama, tulungan mo akong tanggapin ng mas malalim sa aking puso na ang Diyos at ang Kanyang Salita ay mananatili magpakainlanman. Bigyan mo ako ng kaunawaan na mas tingnan ang pangkasalukuyan at ang panghinaharap sa makadiyos na pananaw.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang iyong unawa sa sinabing “ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”?
Papaano natin mauunawaan at magagawang mas tingnan ang ating pangkasalukuyan at ating hinaharap sa makadiyos na pananaw?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions