July 14, 2023 | Friday
May Mapayapa At Masaganang Buhay
Today's verse: 1 Peter 3:10-11, MBBTag
Ayon sa nasusulat, “Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay, dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan. Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi. Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama; at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
Read: 1 Peter 3
Ang pagkakaroon ng mapayapa at masaganang buhay ay konektado sa pagpipigil ng dila at pagsisikap na gawin ang tama.
Ang talata ay hango ni Peter sa Salmo 34. Nag eencourage siya sa mga mananampalataya na ang nagnanais ng mapayapang buhay ay nangangailangan ng disiplina. May kondisyon upang ang buhay Kristiano ay maging mapayapa at masagana. Ang sabi ni Pedro upang makamtan ito ay may dapat kang gawin. Ang mga ito ay ang pagpipigil ng dila at ingatan na di makapagsalita ng mga masasama at panlilinlang o ano pa mang di magandang salita, dugtong nito ay gumawa ng tama at magsikap upang makamit itong sinasabi niyang mapayapa at masaganang buhay.
Ang buhay kristiano ang pinaka exciting na buhay. Hindi man lahat ng gusto mo ay nandiyan kaagad at kailangan mong sumunod sa Panginoon, nangako naman Siya sa atin na sa kabila ng magulong mundong ito na puno ng pagsubok ay may kapayapaan ka at magiging sagana pa rin ang buhay. At sa kabila ng pagsasakripisyo natin ay may darating na biyaya, ginagawa ng Diyos na maging mapayapa tayo at masagana tayo sa lahat ng bagay. Ngunit may pinagagawa ang Diyos sa atin ito yong pigilan natin ang ating dila sa pagsasalita ng masasama. At bilang mga Kristiano ay hindi namumutawi sa mga labi ang makamundong salita. Yan ay ang mga paninira o pagma-maritess. Bagkus, gawin ang tama at magsumikap upang ang pangakong ito ng Panginoon ay makamtan.
Sikapin natin sa bawat araw ay mapag ingatan natin ang ating mga dila na makapagsalita o makasakit ng damdamin ng mga tao. Punuin natin ang ating isipan ng mga salita ng Diyos upang sa ganon lahat ng nasasambit natin ay pawang kapurihan sa ating Diyos. Pagsikapin natin na gawin ang kalooban ng Diyos at gawin ang tama upang makamit natin ang mapayapa at masaganang buhay kay Kristo.
Panalangin
Aking Diyos patawarin mo po ako sa mga salitang nasambit ko na hindi maganda at nakasakit sa aking kapwa. Tulungan po ako na maitama ang mga sasalitain ko sa pamamagitan ng pagbabasa at pag aaral ng Iyong Salita. Turuan mo ako na magsikap sa paggawa ng mabuti at sundin ang Iyong kalooban. Lahat ng ito para sa iyong kapurihan sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo Amen.
Pagnilayan:
Ano ang dapat gawin upang magkaroon ng mapayapa at masaganang pamumuhay?
Bakit konektado ang pagpipigil ng dila sa pagkakaroon ng buhay na mapayapa at masagana?
Ano pa ang dapat gawin maliban sa pagpipigil ng dila upang makamtan ang mapayapa at masaganang buhay?
Written by: Miguel Amihan Jr
Read Previous Devotions