July 20, 2023 | Thursday

Ibigay Ang Pagsamba At Paglilingkod Mo Sa Diyos

Today's verse: Matthew 4:10, MBBTag

Kaya't sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”


Read: Matthew 4 

Ang tunay na pagsamba sa Diyos ay laging may katambal na tunay na paglilingkod sa Kanya.


Si Hesus ay may malalim na paniniwala na ang Diyos lamang ang dapat sambahin at paglingkuran. Bagamat pilit siyang inuudyok ni Satanas na sambahan niya ito kesa sa Diyos, si Hesus ay nakatuon lamang sa kung ano ang nakasulat sa Bible. Ang matinding alok ng diablo kay Hesus ay ang sambahan sya. Sinagot ito ni Hesus ng may diin na ang Diyos lamang ang dapat sambahin. At hindi lamang dapat sambahin ang Diyos, kundi dapat pa Siyang paglingkuran. Sa dulo, hindi nagtagumpay ang diablo sa pagtukso kay Hesus. 


Maraming tukso sa buhay na tumatawag sa ating pansin papalayo sa Diyos. Ang bottomline ng lahat ng tukso ay ang magkasala tayo at maibigay natin ang ating pagsamba liban sa Diyos. Ito man ay sa tao o kaya ay sa mga bagay na nilikha ng mga tao. At hindi natin napapansin, ang pagsamba natin ay maaaring hindi na natin naibibigay sa totoong Diyos. Pwede na sa una ay inuudyukan pa tayo ni Satan na huwag sumamba sa Diyos. Pero kalaunan ay baka ang ating sarili na ang tumatangay sa atin papalayo sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos. 


Ibigay natin ang ating pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Ito ay sagradong gawain na madalas na hinahamon ng ating kaabalahan, katamaran, at iba pang mga pagdadahilan. Mga Kristiano, nananawagan sa atin ang Banal na Espiritu na sambahin natin ang Diyos ng may tunay na paglilingkod. Paglabanan natin ang dahan-dahan na pagpapaliban ng pagdalo sa pagsamba. Huwag hayaan na makasanayan na ang pagliban sa personal at grupong pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Ibigay mo sa Diyos ang iyong tunay na pagsamba at paglilingkod. Magtagumpay sa tulong ng Diyos. 

Panalangin

Diyos Ama, patawarin mo kami sa hindi sapat na pagpapahalaga sa pagsamba sa Iyo. Maraming tukso upang kami ay magdahilan at magpaliban sa personal at grupong pagsamba para sa Iyo. Ngayon, sariwain mo ang aking pakikipagniig sa Iyo. Sa Iyo ang aking tunay pagsamba at paglilingkod.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions