July 24, 2023 | Monday
Ang Kapahingahan Ng Diyos
Today's verse: Matthew 11:28-29, MBBTag
28“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan.
Read: Matthew 11
Ang kapahingahan ng Diyos ay ang mabuhay ng may saysay at may pakinabang sa kalagitnaan ng kaabalahan at kapaguran — na mas madalas ay walang saysay at kulang sa walang hanggang pakinabang.
Si Jesus Christ ay nagsabi ng dalawang utos. Ito ay ang lumapit sa Kanya ang nahihirapan at lubhang nabibigatan. Binanggit niya ang dalawang utos na ito sa maraming tao na mixed ang mga reaction sa kanyang mga ginagawa. Andiyan ang mga disipulo ni Juan Bautista na napag-utusan upang alamin kung si Hesus nga ang inaasahang tagapagligtas. Andyan din ang mga taumbayan na nagdududa at hindi mga repentant. Anupaman ang kalalagayan ng iba’t-ibang grupo ng mga tao, pagdating sa vv.28-29, sinabi pa rin ni Hesus ang kanyang dalawang utos na ‘lumapit’ at ‘pasanin’. Interestingly, ang iisang resultang pangako ng dalawang utos ay ang pagkakaroon ng kapahingahan.
Napakahalaga na sa kalagitnaan ng lahat ng kaabalahan at kapaguran sa buhay ay maranasan natin ang kapahingahan ng Diyos. Ang mga utos ni Hesus na ‘lumapit’, ‘pasanin’, at 'matuto' ay pare-parehong may iisang pangako ng kapahingahan. Ang lumapit sa Panginoon ay ang pag-alis sa kung saan tayo nananatili. Ang pasanin ang Kanyang pamatok ay ang dalin ang Kanyang burden o naisin ng Diyos na dapat maisakatuparan. At ang matuto tayo sa Kanya ay ang maaral natin ang Kanyang pagkadiyos. Mahalaga ang mga sinasabi at inuutos sa atin ng Panginoon dahil sa napaka-inam na resulta nito. Ang kahalagahan ng mga ito ay may impact sa ating pangkasalukuyan at lalo sa ating mga kinabukasan.
It’s time na tayo ay tumugon sa panawagan ng kapahingahan ng Diyos. Tayo ay lumapit sa Panginoon, pasanin natin ang Kanyang pamatok at matuto tayo sa kung sino Siya. Iwanan natin ang ating kasalanan at anumang nagsasadlak sa atin sa pagkabalisa. Pasanin o sundin natin ang mga utos ng Diyos dahil kailangang mangyari ang Kanyang kalooban. Kilalanin kung sino ang Diyos at mararamdaman natin ang mga kadahilanan na nagpapatibok ng puso ng Panginoon.
Panalangin
Diyos Ama, Ikaw ang pinakamahalagang dahilan para ako ay mabuhay ng may sense. Patawarin mo ako sa lahat ng aking pagsuway at paglayo. Ngayon ako ay nagpapakumbaba sa Iyo. Katagpuin Mo po ako.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang tatlong mahahalagang utos na nakasaad sa Matthew 11:28-29?
Ano ang iisang resulta ng tatlong utos na ito kapag nasunod? Bakit mahalaga ito?
Papaano ko ihahanda ang aking sarili sa pangakong dala-dala ng kapahingahan na mula sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions