July 23, 2023 | Sunday

Ang Matibay Na Buhay Kay Kristo

Today's verse: Lukas 6:47-48 RTPV05

Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito.


Read: Lukas 6 

Ang lahat ay aalugin upang subukin. Ang nananatiling nakatayo ay buhay na matatag at matibay sa ibabaw ng pundasyong-bato na si Kristo-Hesus.


Ang talata natin ay pagpapahayag ni Hesus tungkol sa isang taong nagtayo ng bahay. Ang taong ito’y nakikinig at nagsasagawa ng Kanyang salita. Ang tao ay humukay ng malalim at itinayo niya ito sa ibabaw ng bato. At sabi ng Panginoon, ang bahay na ito ay nasubukan sa pamamagitan ng baha at bugso ng tubig ngunit ito ay nananatili pa ring matatag at matibay.


Si Kristo-Hesus ang “pundasyong bato” na sinasabi ng talata. Kung ang buhay kristiano natin ay nakatayo sa pundasyon ng Kanyang Salita, anumang pagsubok ang dumating nananatili pa rin itong matatag at matibay. Kay Kristo-Hesus lang matatagpuan ang kasiguruhan at ang tunay na katagumpayan. Ito ay nasisigurado sa pamamagitan lamang ng pakikinig ng Kanyang salita at pagsasapamuhay nito. Sa Kanya lang din mararanasan ang tunay na kaligayahan na pagkatapos ng pagsubok na ito ay nagdadala ng ibat-ibang ibang pagpapala. Kaya sa paglilingkod lamang kay Kristo-Hesus ang buhay ay tunay na to the max.


Totoong hindi madali ang “pagtatayo ng bahay sa pundasyong bato” kailangan natin ng equipment upang makapaghukay at maitayo ito. Ang Salita ng Diyos at ang pananalangin ang ating gamit upang maisagawa ito. Kailangan nating ilapit ang ating sarili sa Diyos at sa Kanyang Salita. Huwag nating hayaan na may kahati ang ating oras sa pagpapalago ng ating relasyon kay Hesus at sa Kanyang mga Salita.

Panalangin

Aking Ama sa pangalan ng aking Panginoong Hesus ako po ay lumalapit sayo at handang makinig ng iyong mga Salita. Hiling ko po na tulungan Mo ako na mailapat sa buhay ko ang mga natutunan ko sa Iyo. Panalangin ko po na sa pamamagitan din ng devotional na ito ay mailalapit pa namin lalo ang aming sarili sa pagpapalago at pagpapatatag ng aming buhay Kristiano. Patawad sa mga kaabalahan at unhealthy time ko upang makadaupan ka sa aking devotional at salamat po sa pag unawa. Sayo ang kapurihan at karangalan sa pangalan ng Panginoong Hesu- Kristo. Amen.

Pagnilayan:

 Written by: Miguel Amihan Jr

Read Previous Devotions