July 29, 2023 | Saturday
Ang Mga Bata At Ang Kaharian Ng Diyos
Today's verse: Mattew 19:13-15, MBBTag
13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.
Read: Matthew 19
May pananaw si Jesus patungkol sa mga bata na malaki ang kinalaman upang mapabilang tayo sa kaharian ng Diyos.
Si Jesus ay may pananaw sa mga bata na hindi pa nakikita noon ng Kanyang mga disciples. Kung ang mga disciples ay pinagalitan ang mga may dala-dala na mga bata, si Jesus naman ay nagsabi na “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” Ang mga salita ni Jesus ay dalawang paraan ng pagsasabi ng iisang kaisipan o pananaw: pinahahalagahan ni Jesus ang identity at attitude na isinasalarawan ng mga bata.
Kailangan nating aminin na meron pa rin tayong mga pananaw na taliwas sa pananaw ng Diyos. Minsan tunog religious itong mga pananaw na ito. Ang iba ay halatang makasarili. Yan ang madaling ma-detect. Pero paano ang makataong pananaw pero hindi makadiyos? Mas matindi ay paano kung tunog makadiyos kasi may ‘lord’ na salita, pero di pa rin pasado sa Biblia kung talagang uuriratin. Pansinin ang naisin ng mga alagad na makatulong kay Jesus sa pamamagitan ng pagtaboy sa mga taong may dalang mga bata. Concern ba sila o feeling nila tama kanilang ginagawa? Pero sa mata ni Jesus, kabaligtaran ito ng gusto Niyang matanggap na mensahe ng mga tao lalo ng mga bata.
Ang pananaw natin patungkol sa mga bata ay dapat ilinya natin sa pananaw ng Diyos. Malaki ang maitutulong ng tamang pang-unawa sa kalalagayan ng mga bata para malaman natin kung paano mag-operate ang kingdom of God. Ang mga katulad ng mga bata ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Alamin natin ito ng mas may puso, may pagpapakumbaba at natuturuan. Kapag may mga bata sa paligid, ilapit natin sila sa Diyos. Huwag itaboy.
Panalangin
Diyos Ama, nalalaman ko na pinahahalagahan mo ang mga bata. Patawarin mo ako sa aking hindi tamang pakikitungo at hindi tamang pananaw sa mga bata. Ilinya Niyo po ako sa puso at pananaw Niyo paraa sa mga bata. Ipinapanalangin ko na pagpalain niyo po ang mga bata sa aking community, sa aking barangay, at sa church.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Sa pananaw ni Jesus, anong meron ang mga bata na kinakailangan na matutunan ng mga nakakatanda?
Papaano mapapabilang sa kaharian ng Diyos?
Bakit natin kailangan pahalagahan ang ministry sa mga bata?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions