June 11, 2023 | Sunday

Pagsamba, Pagdating, At Pagsunod

Today's verse: Matthew 6:9–10, MBBTag

9 Ganito kayo mananalangin, ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. 10 Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.


Read:  Matthew 6 

Ang tamang pananalangin ay may kasama na pagsamba sa Diyos, pagdating ng kaharian ng Diyos, at pagsunod sa Diyos.


Nilinaw ni Hesus sa Kanyang mga alagad na may tamang pattern ng pananalangin. Itinuro Niya ang buong ‘prayer pattern’ ayon sa Matthew 6:9-13. Sa ating napiling talata, binanggit ni Hesus ang unang tatlong bahagi ng pananalangin. Ito ay ang pagsamba sa Diyos, ang pagdating ng kaharian ng Diyos, at ang masunod ang kalooban ng Diyos. 


Mahalaga ang pananalangin. Ito ay parang paghinga natin. Kapag tayo ay tumigil sa paghinga, maaapektuhan ang ating kalusugan. Sa ganoong pananaw, bahagi ng maayos at biblical na pananalangin ang pagsamba. Walang panalangin kung walang pagsamba. Ang pagsamba ay sa Diyos Ama na nasa langit lamang ibinibigay. Siya ang lumikha. Siya ang dapat sambahin. Anumang bagay na nilikha ay di nararapat na sambahin. Mahalagang bahagi din ng panalangin ang focus tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa puso ng nananampalataya dapat ay ang naisin na maghari ang Diyos sa buhay natin. Pansining mabuti ang salitang ‘maghari’. Tayo’y manalangin na literal nang maghari ang Diyos hindi lamang para sa puso natin, kundi para maging sa buong mundo. At kaakibat ng paghahari ng Diyos ay ang matapat na pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Higit pa ito sa prayer na ma-bless lang. Lampas ito sa material blessing lang. Resulta na lamang ang blessing na materyal dahil sa mula sa pusong pagsunod kay Hesus.


Pasiyasat natin sa Diyos kung tunay ang ating pagsamba sa Kanya. Kung dalisay ba ang naisin natin sa pagdating na muli ng kaharian ng Diyos. At kung taos sa puso ba ang ating pagsunod sa Diyos. Ang bababa pa sa ganitong ‘spiritual and biblical standard’ ay kapos na para sa makatotohanang pananampalataya sa Panginoon.

Panalangin

Aming Dios Ama, sanayin mo Kami sa panalanging may pagsamba at pagsunod. Nais namin ang makatotohang panananalangin na binabago ang aming puso. Panalangin namin na nakafocus kami sa pagdating na iyong kaharian dito sa lupa. Ayaw naming magkulang sa anumang mabuting gawain na gusto Mong sumunod kami.

Salamat po. Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions