June 9, 2023 | Friday
Tagumpay At Lakas Sa Buhay Dahil Sa Espiritu
Today's verse: Zechariah 4:6, MBBTag
Sinabi sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.
Read: Zechariah 4
Iba talaga ang kayang gawin at pwedeng mangyari kung ang believer ay pinangungunahan ng Espiritu ng Diyos.
Kung si propeta Haggai ay ang pagpapagawa ng pangalawang Templo ang layunin, si propeta Zechariah naman ay ang panumbalikin ang puso ng mga Israelita sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi. Nangusap noon si propeta Zechariah sa mamamayan na ang tagumpay sa buhay nila ay dahil sa lakas at kapangyarihan ng Espiritu Santo. Halata ni Zechariah na ang mga tao ay umaasa sa sariling galing at kakayanan nila sa pagpapanumbalik sa dating kalalagayan ng bansang Judah. Pansin ito lalo na sa pagpapagawa nila ng Templo. Sa kalagitnaan ng pagpapagawa sila ay napanghinaan ng loob dahil sa mga challenges at problema. Kaya pumasok si Zechariah para i-encourage and mga leaders sa pangunguna ni Zerubabel, governor ng Judah.
Manangan tayo sa Espritu Santo. Kung tayo bilang tao ay aasa lamang sa ating talino, experience, kakayanan, at iba pa, tayo ay malamang na kapusin. Tayo’y mapanghihinaan, susuko sa problema, maninisi, o kaya’y makaranas na ma-depress. Kaya dapat tayong manamplataya sa Diyos at manangan sa Kanyang Espritu Santo upang tayo ay palakasin sa anumang kahinaan natin. Kailangan natin aminin ang alam natin na hindi ganun kadali ang magtagumpay sa buhay. Tayo ay maparaan. At madalas, ang pamamaraan ng tao ay makasarili, mukhang makatao pero madalas ang chance na hindi maka-Diyos. Lalo kung tayo ang napaparangaln. Iba talaga ang kayang gawin at pwedeng mangyari kung ang believers ay pinangungunahan ng Espiritu. Mas malayo sa kabiguan at mas malapit sa galak, lakas, at tagumpay mula sa Panginoon.
Aming Diyos Ama, gabayan mo ako ng Iyong Espritu Santo. Lahat ng aking kayabangan ay isinusuko ko sa iyo. Turuan mo akong magpakumbaba, magpasakop, at magpagabay sa iyong Espiritu. Naniniwala ako na mas marami akong maa-accomplish kung ang Espiritu Santo ang aking gabay at kalakasan. Anumang kahinaan ko ay aking isinusuko sa Iyo.
Salamat po sainyong pagtyatyaga sa amin. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Bakit mas madali na gawin ng tao ang kanyang kalooban kesa ang kalooban ng Diyos?
Bakit may mga panahon na gusto nating gawin ang kalooban ng Diyos pero ayon sa ating kalakasan?
Papaano mangyayari na tayo ay napangungunahan ng lakas at kapangyarihan ng Espiritu Santo?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions