June 7, 2023 | Wednesday

Tagumpay At Bagong Buhay

Today's verse: Zephaniah 3:17, MBBTag

Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos, at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. Siya ay magagalak sa iyo at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay.


Read: Zephaniah 3 

Laging may laan ang Diyos na tagumpay at bagong buhay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at pag-ibig.


Ang chapter 3 ng Zephania ay nagbibigay ng pag-asa sa bansa ng Israel. Sa bayang ito ay maraming ganap na problema na iba’t-iba ang kadahilanan. Ito man ay dahil sa pagsuway ng mga tao o nadamay na lang dahil sa pagsuway ng ibang tao, ang punto ay ang mga tao ay naapektuhan ng mga problemang ito. Ito ang idinadalamhati ng maraming tao. Ngunit nakamasid ang Diyos sa mga tao sa bansang Israel. Napapanahon na magpadala Siya ng mga pangakong magpapalakas ng loob sa Kanyang minamahal na bayan. At ang unang Niyang paalala ay “Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos…”. Ang katotohanan ay hindi nang-iwan ang Diyos. Kaya plano Niyang magbigay ng tagumpay at bagong buhay. Ito ay mangyayari sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at pag-ibig. 


Tayo din ay nakakaranas ng iba’t-ibang klaseng problema at pagsubok. Marami-rami ang nawawalan ng pag-asa dala ng problema, kawalan ng gabay, mga karamdaman, at iba pa. Anuman ang ating situation, ang sigurado ay hindi nang-iiwan ang Diyos. Andyan ang kapangyarihan ng Diyos para magbigay ng tagumpay. Andyan din ang pag-ibig ng Diyos para magbigay ng bagong buhay. At kung iniisip natin na nakasimangot na ang Diyos, Siya ay may baon pa ring kagalakan at makikigalak Siya sa atin.


Kaya ano man ang laki ng mga dalahin natin problema, hindi man natin ma-explain ang mga mahirap na pangyayari, paniwalaan pa rin natin ang pangakong tagumpay at bagong buhay ng Diyos. Siguradong ibibigay ito ng Diyos. Hindi niya ito ipagdadamot. Magtiwala tayo sa Diyos. Magpaturo tayo sa Kanya. Gawin natin ang tama mahirap man o madali. Habang nagpapasakop tayo sa Diyos, umasa tayo na ibibigay Niya ang nararapat na tagumpay at ang inaasam nating bagong buhay.

Aming Diyos Ama, nagtitiwala po ako sa inyo. Bigyan mo ako ng humble and teachable heart na nananampalataya, willing maghintay sa Inyong pangakong tagumpay at bagong buhay. Naniniwala ako na di Ka nang-iiwan. Kapiling ka namin sa gitna ng anumang problema’t pagsubok. Salamat at dahil sa Iyo ay may tunay na tagumpay at bagong buhay. 

Sa pangalan ni Hesus, Amen.

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions