June 8, 2023 | Thursday
Ang Pangakong Patnubay Ng Diyos
Today's verse: Haggai 2:4–5, MBBTag
4 Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. 5 Nang palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot.
Read: Haggai 2
Ang pangakong patnubay ng Diyos ay palagian sa mga sumusunod sa kalooban Niya.
Dumating sa panahon na ang bansang Judah ay napanghihinaan ng loob sa pagpapatuloy sa paggawa ng Templo. Ang mga tao ay nag-give up sa paggawa dahil sa ka-busy-han. Busy ang marami sa hanapbuhay at mga sariling kapakanan. Noong pasimula sila’y masigasig sa pagpapatayo ng Templo. Pero katagalan ay nakaligtaan nila ang ‘covenant’ nila sa Panginoon. Ang Templo na mahalagang bahagi ng ‘covenant’ o kasunduan nila sa Diyos ay nabalewala. Tinawag ni Yahweh ang pansin ng Judio. Pinagalitan sila at sinabing napabayaan ang pagpapagawa ng Templo dahil sa maraming kaabalahan ng mga tao (Haggai 1:2-8). Nakakatuwa dahil tumugon agad ang mga tao kaya ikinatuwa ni Yahweh. Kaya’t nangako si LORD sa kanila ng patuloy na patnubay. Ang mga tao’y nagkaisa (1:12-15). Sa kanilang pagkakaisa, sila’y pinayuhang magpakatatag at magsipag dahil nagpapatnubay sa kanila ang Diyos. Walang dapat ikatakot.
Maraming pwedeng pagkaabalahan sa ating ka-’busy’-han sa buhay. Pwedeng makakaligtaan natin ang kahalagahan ng Presensiya ng Diyos. Maaaring dahil sa pinagkakakitaan, sa hanapbuhay, o kaya’y ibang bagay na umagaw ng ating pansin. O di kaya’y `maaaring na-bored tayo, na-busy, at naagaw ang pansin natin. Ngayon ay tinatawag ni LORD ang ating pansin. Unahin ang pinakamahalagang bagay – ang presensiya ng Diyos sa ating mga buhay. Kung paanong ang Templo ay nasa kalagitnaan ng mga Judio, ang pagsamba at araw-araw na presensiya ng Diyos ay dapat ding pumagitna.
Araw-araw nating priority ang presensya ni Hesu-Kristo. Walang anumang kaabalahan ang dapat na pumalit sa maranasan ang presensiya ng Diyos. Unahin natin ang presensya ng Diyos sa ating buhay. May mga gawain tayo na dapat non-negotiable at regular. Huwag gawing dahilan palagi ang kaabalahan. Paniwalaan ang pangako at patnubay ng Diyos dahil sigurado ang Kanyang pagpapala at pagsama. Huwag matakot sumunod sa Diyos anuman ang balakid.
Aming Diyos Ama, tulungan niyo akong pahalagahan ang Iyong presensiya at ang pagsunod sa Iyong kalooban. Nauunawaan kong ang aking kaabalahan ay madalas humahadlang sa pagbibigay-galak sa Iyo. Patawad. Nais ko ang Iyong palagiang panubay.
Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Anu-ano ang mga kaabalahan natin sa buhay na nagiging dahilan para mabalewala ang presensiya ng Diyos?
Anu-ano ang non-negotiables sa iyo bilang anak ng Diyos?
Papaano mo makakamtan ang palagiang patnubay ng Diyos sa ating mga buhay, maging sa pamilya, at sa church?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions