June 12, 2023 | Monday
Kapag Tumimo Ang Salita Ng Diyos
Today's verse: Mark 4:16-17, MBBTag
16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.
Read: Mark 4
Hindi ka susuko sa problema kapag sa iyo’y tumitimo ang Salita ng Diyos.
Ang kwentong kinapapalooban ng ating napiling mga verses ay ang ‘Talinghaga Tungkol sa Manghahasik’. Dito nagkwento si Jesus ng apat na klase ng tao na nakapakinig ng Salita ng Diyos. Inihalintulad ang Salita ng Diyos sa ‘binhi’. At may isang nakapakinig ng Salita na pinagkaiba sa lahat ay hindi lamang siya nakapakinig, bagkus tinanggap niya ang Salita nang may galak! Pero nakakalungkot isipin na hindi tumimo ang Word of God sa kanya kaya siya’y nanghina. Siya’y sumuko dahil sa kapighatian at pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos.
Sa buhay ng mga taong nakakapakinig ng Salita ng Diyos, ang kasunod na tugon ay ‘magalak na tanggapin’ ang Salita. Ngunit ang kasunod nito ay kailangang tumimo ang Salita ng Diyos sa ating mga puso’t isipan. May malaking pagitan sa magalak na pakikinig at pagtanggap sa Salita lamang kumpara sa tumitimo talaga ang Salita sa ating pagkatao. Kailangang mangyari na tumimo ang Salita para hindi tayo sumuko dahil sa kapighatian o pag-uusig dahil nakinig siya at nagalak siya Salita ng Diyos.
Bigyang pagkakataon na tumimo sa puso natin ang Salita ng Diyos. Ito ang hamon sa mga tao lalo sa mga may palagiang opportunity na makapakinig ng Word of God. Kailangang bigyan natin ng pagkakataon na tayo’y siyasatin ng Salita, mabago ng Salita, at mapagtibay ng Salita. Kapag tumimo ang Salita ng Diyos sa ating buhay, hindi tayo susuko sa anumang kapighatian o pag-uusig dahil tayo ay kumakapit, nagpapagabay, at sumusunod sa Salita. Kaya seryosohin natin kung paano tayo nakikinig ng Salita. Hindi sapat na maging magalak lamang dahil sa Salita. Dapat goal natin na tumitimo talaga ang Word of God sa ating buong pagkatao.
Panalangin
Aming Diyos Ama, basbasan Mo ako sa aking pakikinig ng Salita Mo. Bigyan Mo ako ng pagkakataon na tumimo talaga ang Iyong Salita sa aking puso’t isipan. At dahil doon ay nababago ang aking buong pagkatao. Palakasin mo ako tuwing dumarating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos.
Salamat po. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang pakahulugan ng ‘binhing nalaglag sa batuhan’?
Papaano maging malakas at hindi sumusuko ‘pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos’?
Ano ang iyong mga gagawin para tumitimo sa iyong puso ang napapakinggang Salita ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions