June 14, 2023 | Wednesday
Piliin Ang Manahan Sa Presensiya Ng Diyos
Today's verse: Luke 10:41-42, MBBTag
41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”
Read: Luke 10
Iwasan ang kabalisahan at kaabalahan sa napakaraming bagay. Sa halip ay piliin ang manahan sa Presensiya ng Diyos.
Naging gawi ni Hesus na bumisita sa mga taha-tahanan. At sa tahanan ni Martha at Maria ay naranasan niyang mautusan ng tao kung anong dapat gawin. Nakita ni Hesus ang mas malalim na dahilan sa utos sa Kanya. Nakita ni Hesus kay Martha ang kabalisahan at pagiging abala sa maraming bagay. Ipinahayag ni Hesus kay Martha na may simpleng pinili si Maria na nakaligtaan ni Martha. Ayon kay Hesus, ang napili ni Maria ang mas mabuti kesa sa pinagkakaabalahan ni Martha.
Maraming tao ang may kabalisahan at kaabalahan sa maraming bagay. Dahil dito sila ay naaagawan ng kapayapaan, ng galak, at maging mabuting direction sa buhay. May lungkot na pumapasok sa puso ng mga taong ito. Ang mukhang banal sa unang tingin dahil parang naglilingkod sila sa tao o sa Diyos ay nagiging dahilan para maging judgmental. At kung nagagawa nang parang inuutusan ang Diyos o nahuhusgahan na ang ibang tao, ito’y ay nagiging ‘dangerous attitude’ na. May mainam na dapat na piliin kesa sa ganitong klase ng negatibong karanasan o negatibong pag-uugali.
Piliin natin ang pinili ni Maria. Piliin ang manahan sa Diyos. May dulot na kapayapaan ang manahan sa Diyos. Walang kapantay na halaga ang regular at taimtim na devotions sa Presensya ng Diyos. Ang manahimik at itigil ang labanan sa kaabalahan at kabalisahan ay mas mainam na desisyon. Kung gusto nating maging effective and efficient sa buhay, ang unahin natin ay ang magkaroon ng payapang isip. Makukuha lamang ito kung uunahin na piliin ang manahan sa presensiya ni Hesu-Kristo.
Panalangin
Aming Diyos Ama, patawarin Mo ako sa lahat ng aking kabalisahan at maging sa aking kaabalahan sa maraming bagay. Na dahil dito ay nami-miss ko ang mas mahalaga – ang Presensiya Mo. Today, aking pinipili ang manahan sa Iyo. Turuan mo akong mapaglaanan ang mga simpleng spiritual na mga gawain sa kalagitnaan ng mga tukso na palagiang maging balisa at abala sa maraming bagay.
Gusto kong mas mamahal ko po Kayo. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang ibig sabihin sa pagsabi ng “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, …”?
Bakit mas mabuti ang napili ni Maria kesa sa kabalisahan at kaabalahan ni Martha?
Paano ka mas magiging consistent sa iyong devotions o pakikipagniig sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions