June 17, 2023 | Saturday

Liwanag Mula Kay Cristo

Today's verse: Acts 26:23, MBBTag

… na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”


Read: Acts 26 

May mabuting dahilan ang Diyos bakit kailangan na maliwanagan ni Kristo ang mga tao.


Dumating sa punto ng buhay ni Pablo na siya ay nilitis dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Sinuman at anumang sitwasyon ang kanyang kinakaharap, siya’y nagsasalita ng kanyang pananalig sa Diyos. At nilalaman lagi ng mensahe niya ay ginawang sakripisyo ni Hesus para ang mga tao ay maliwanagan. Target ng kanyang mensahe ay ang mga Judio at mga Hentil. Si Pablo ay nanghikayat sa mga tao na iba’t iba ang katayuan sa buhay. Maging si Governor Festus ay kanyang binahagian ng Salita ng Diyos. Si Pablo ay may paniniwala na si Hesu-Kristo ang may dala na kaliwanagan na kailangan ng mga Judio at mga Hentil.


Kailangan natin ang liwanag ni Kristo. Maraming pagkalito at pagkaligaw sa paligid. Maraming prinsipyo ang liko at makasarili. May mga prinsipyo na makatao pero hindi makadiyos. Dahil dito, maraming tao na nabibiktima. Hindi nila napapansin na ang kanilang mga nalalaman ay galing sa mga makasarili o makataong prinsipyo pero hindi makadiyos. May mga gumagawa ng mabuti para makuha ang pagliligtas ng Diyos. Pero all along nasa Bible na ang lahat ng mabubuting gawa natin ay basahan sa Diyos. Bakit? Kasi tayo’y makasarili at minsan makatao pero malamang na hindi makadiyos. Kailangan nating maliwanagan ni Kristo-Hesus. Madalas na palaisipan ito sa maraming tao. “Ok naman na ako. Bakit pa ako dapat maliwagan ni Hesu-Kristo?” ang tanong ng ilan. 


Kailangang maliwanagan tayo ni Hesu-Kristo. Ang mga puso natin ay malamang na naapektuhan sa anumang level ng makataong prinsipyo ngunit hindi makadiyos. Worse, may mga makasariling pananaw na nagpapahirap sa mga tao. Walang kaliwanagan sa taong makasarili. Ngunit kung sinumang tao, anuman ang kalalagayan o kasalanan, ay makakatanggap ng kaliwanagan kung lalapit sa Panginoong Hesus. Halina’t gawin natin ang best na hikayatin ang mga tao tungo sa Diyos. Aralin natin at isapuso ang kalooban ng Diyos. Mas kilalanin natin ang Diyos. Ibigin natin ang Panginoong Hesus. Sambahin natin Siya ng walang pag-aalingan. Ipahayag natin ang Kanyang pagdurusa, sakripisyo, at pagkabuhay na muli sa lahat ng ating friends and family.

Panalangin

Aming Diyos Ama, liwanagan mo kami. Hanguin mo kami sa mga makasarili o makataong prinsipyo pero hindi makadiyos. Bigyan mo kami ng lakas ng loob para sabihin ang kabutihan mo sa pamamagitan ng life testimony namin.

Sa pangalan ni Hesus, Amen. 

Pagnilayan:

Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions