June 18, 2023 | Sunday

Diyos Ang Aking Kalakasan At Kailangan

Today's verse: Salmo 73:25-26, ASND

Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang. At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo. nanghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan. Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.


Read: Psalm 73 

Magpakailanman, ang Diyos at ang Kanyang salita ay ang kailangan at maaasahan kahit sa pabago-bagong tao at panahon.


Ang buong Salmo 73 ay awit ng pagsisiwalat ni Asaf patungkol sa mga taong mayayabang at masasama na hindi naman naglilingkod sa Diyos pero yumayaman. 

Na maging si Asaf ay dumarating sa point na naiinggit na sa kanila at tinatanong na ang sarili kung bakit. Naunawaan lamang ni Asaf ang mga ito nang pumasok siya sa templo at na-encounter niya ang presensya ng Diyos at doon niya mas naunawaan ang lahat (vv. 16-17). Naintindihan niya na ang mga ito ay hindi dapat asahan dahil wala silang ibang patutunguhan kundi kapahamakan. Isang nakakatakot na kahahantungan. Nagkaroon ng twist ang tanong ni Asaf patungkol sa pagbabagong nagaganap nang ibaling niya ang lahat sa Diyos.


Magkakaroon ng pagbabago ang buhay ng mga lingkod ng Diyos kung itutuon lamang ang kaisipan sa tamang pananaw. Ang tunay at tapat na kailangan ay ang salita ng Diyos at ang Kanyang presensya. Ang mga ito lang ang hindi nagbabago sa kabila ng pagbabago na nangyayari sa sanlibutan, sa panahon, o maging sa mga tao. Ang mga ito ay hindi mapanghawakan. Ang kanilang mga pangako ay walang kasiguruhan dahil sa kahinaan. Tanging ang Diyos lamang ang kailangan at maaasahan sa bawat panahon.



Hangarin natin ang Diyos sa ating buhay. Siya lang ang kailangan natin. Siya lang ang maaasahan. Pangako Niya’y hindi magbabago. Ang Panginoon ay tapat kailanpaman. Kaya pagsikapan nating bigyan ng sapat na oras ang ating relasyon sa Diyos. Pagninilayan ang Kanyang mga Salita. Focus lang tayong mabuti sa ating Panginoon. Palaguin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng spiritual habits.

Panalangin

Aming Ama huwag Niyo pong hayaan na maitutok ang aking paningin sa mga taong bagamat yumayaman ay hindi naglilingkod sa Iyo. Kayo po ang aking kailangan at kalakasan. Sa Iyo po nanggagaling ang lahat ng meron ako. Huwag niyo pong hayaan na kami ay madala ng anumang materyal na bagay at maging abala sa maraming bagay. At dahil doon ay mawala ako sa presensya Mo.

Tulungan niyo po kami na makapagpapatuloy sa pagpapalago ng aming relasyon sa Iyo. Sa pangalan ng aming Panginoong Hesus. Amen.

Pagnilayan:

Written by: Miguel Amihan Jr

Read Previous Devotions