June 2, 2023 | Friday
Ang Pagpapatawad Ng Diyos
Today's verse: Micah 7:18 – MBBTag
Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig.
Read: Micah 7
Ang pagpapatawad ng Diyos ay matatanggap ng tao dahil sa tapat na pag-ibig ng Diyos.
Para kay propeta Micah, walang ibang diyos na katulad ng Diyos na si Yahweh. Ito ang sigaw ni propeta Micah dahil nasaksihan niya ang pagkalinga at pag-ibig ng Diyos kahit ang mga tao ay sumusuway at tumatalikod sa Kanya. Ang mga kababayan niya ay tumalikod sa kasunduan o ‘covenant’ nila kay Yahweh. Ang mga hari ay hindi tinataguyod ang kalooban, mga alituntunin, at mga utos ng Diyos sa mga tao. Gayunpaman, nasaksihan pa rin ni propeta Micah ang matyagang pagbabantay ng Diyos sa kapakanan ng mga tao. Higit sa lahat ang Diyos ay “Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig.” Ganyan ang Diyos maging sa Old Testament.
Hanggang sa panahon ngayon, ang Diyos ay nananatiling mapagpatawad, hindi nananatili ang galit, at ipinapadama ang tapat Niyang pag-ibig sa mga tao. Ang Diyos ay patuloy pa ring buong tiyagang nananawagan sa mga tao na Siya’y sundin, magpakumbaba sa Kanya, at humingi ng tawad sa Kanya. Sapagkat tapat at di magmamaliw ang pag-ibig ni Yahweh. Tunay ngang walang ibang diyos na katulad ni Yahweh na ating Panginoon.
Ating bigyan ng higit pa sa sapat na pansin ang pagpapatawad at pag-ibig ng Diyos sa atin. Kailangan natin matanggap na walang ibang diyos liban kay Hesu-Kristo. I-connect natin ang ating buhay sa Diyos at huwag lang natin Siyang idagdag sa maraming mga diyos-diyosan natin. Bagkus, sambahin natin ang tunay na Diyos. Hindi man natin kayang pantayan ang katapatan ng Diyos, maging commitment pa rin natin ang lumalagong respeto at pagsunod sa Diyos. Iba kapag nagagawa natin ang mga ito.
Aming Diyos Ama, salamat sa Iyong katyagaan sa amin. Kami man ay makulit sa mga maling bagay, ngunit ikaw ay mas makulit na kami ay mahalin at kalingain. Ikaw ang aming Diyos. Ikaw ang tunay na nagmamahal ng wagas.
Sambahin Ka. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay tapat kung magmahal?
Papaano natin magagawa na tumugon ng tama sa pagpapatawad at tapat na pag-ibig ng Diyos?
Ano ang kinalaman ng ating relasyon o pakikipag-ugnayan sa tao ng may pagpapatawad at may tapat ng pag-ibig sa mga nakakasalamuha natin?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions
Papaano magkaroon ng tamang tugon sa anumang nangyayari sa ating kapwa?
May 30, 2023