May 30, 2023 | Tuesday
Palagiang May Tamang Tugon
Today's verse: Obadiah 11-12 – MBBTag
12Hindi mo dapat ikinatuwa ang kapahamakang sinapit ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda. Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak; hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian. 13Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan, ni pinagtawanan ang kanilang kasawian. At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan sa panahon ng kanilang kapahamakan.
Read: Obadiah
Palagiang may tamang tugon sa anumang nangyayari sa ibang tao – lalo kapag sila ay problemado.
Ang kwento sa aklat ng Obadiah ay tungkol sa maling tugon ng bansang Edom sa kapahamakan, pagkawasak, o kasawian ng bansang Judah. Alam ni Obadiah na ang Judah ay hindi naging masunurin sa kalooban ng Diyos kaya sila ay nakaranas ng kapahamakan, pagkawasak, at kasawian. Sila ay sumuway sa kalooban ni Yahweh sa kanila. Ang nakakapagtataka ay ang bansang Edom na kamag-anak ng mga Israelites ay natuwa, nagalak, at naging palalo sa masasamang karanasan ng Israelites. Para kay propeta Obadiah, hindi ito nararapat. Hindi nararapat na matuwa, magalak, at maging palalo sa hindi magagandang nangyayari sa kapwa tao.
Tayo bilang mananampalataya ay nararapat na magkaroon ng tamang tugon sa anumang nangyayari sa ibang tao. Kapag ang ibang tao ay may pinagdaraanan, may tamang tugon mula sa atin para dito. Dito pumapasok ang kahalagahan ng pakikipagkapwa. Sa mga Pinoy, may magandang gawi tayo sa ating kultura na tinatawag nating ‘bayanihan’. Ang bayanihan ay makataong pakikipagkapwa. At ang pakikipagkapwa ng bayanihan ay umaangat tungo sa makadiyos na pakikipagkapwa kapag may mission tayo mula sa Diyos na ginagawa na natin.
Tayo ay maging makadiyos sa ating pakikipagkapwa. Imbis na matuwa, magalak, at maging palalo sa hindi mabuting nangyayari sa mga taong problemado, dapat tayo’y makilungkot o makiramay na lang. O sa kabilang banda naman kapag may mga tao na successful or umaasenso, dapat tayo ay maging masaya o maki-celebrate sa kanila. Ang pagiging asar o pagka-inggit kapag may mga taong umaasenso ay sensyales na may hindi magandang nilalaman ang ating puso. Kailangan natin itong mapalitan ng tamang tugon ng pakikipagkapwa. Makipagbayanihan. Tayo ay may mission bilang mananampalataya Pinoy – tayo’y makipagbayanihan. Huwag tayong maging makasarili. Higitan natin ang ang pagiging makatao lamang – tayo’y maging makadiyos na may mission.
Aming Diyos Ama, turuan mo kaming maging sensitive sa mga nararamdaman ng iba. Turuan Mo akong maging makadiyos sa aking pakikipagkapwa. Pawiin Niyo po sa akin ang pagiging makasarili. Nais kong maki-celebrate sa tagumpay ng iba. Makilungkot sa iba kapag sila nama’y problemado.
Salamat po. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagnilayan:
Ano ang kultura ng bayanihan ng Pilipino?
Papaano magkaroon ng tamang tugon sa anumang nangyayari sa ating kapwa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions